WALA pang dapat ipagdiwang ang mga senador sa naging pangako sa kanila kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipatitigil niya ang pagsusulong ng people’s initiative para amyendahan ang 1987 Constitution o Charter change (Cha-cha).
Sinabi ni Marcos Jr. kahapon sa media interview sa Hanoi, Vietnam, tuloy pa rin ang P.I. pero hindi pa niya tiyak kung mananatiling option ito upang isakatuparan ang Cha-cha.
Ayon kay Marcos Jr., kokonsultahin pa niya ang mga dating mahistrado, kanyang legal counsel at mga eksperto sa Konstitusyon sa pinakasimpleng paraan sa pag-amyenda sa Saligang Batas.
Inamin niya na talagang interesado siya sa pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.
Sa naturan ding panayam, iginiit ng Pangulo na buo pa rin ang UniTeam at wala siyang balak sibakin bilang educafion secretary si Vice President Sara Duterte sa kabila nang pagbatikos sa kanya ng pamilya Duterte. (ROSE NOVENARIO)