Thu. Nov 21st, 2024

 

PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo

WALANG namo-monitor ang Philippine National Police (PNP) na anomang pakana upang pabagsakin ang administrasyong Marcos Jr.

Sinabi ito ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo kasabay nang pagtiyak na mataas ang morale ng mga pulis at nakatutok sila sa mandato na bigyan proteksyon ang mga mamamayan.

Ang pahayag ni Fajardo ay tugon sa babala ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring mapatalsik si Marcos Jr. gaya ng kanyang ama na si dating Presidente Ferdinand Marcos Sr., kapag ipinilit niya ang people’s initiative para maamyendahan ang 1987 Constitution.

Pumopostura si Duterte na tutol sa isinusulong na Charter change (Cha-cha) ng administrasyong Marcos Jr. ngunit noong kanyang panahon ay nagtangka rin siyang amyendahan ang Konstitusyon pero naunsyami.

Noong huling bahagi ng 2023 ay inamin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na kinausap ng ilang retiradong opisyal ng militar ang mga nasa aktibong serbisyo para sa isang destab plot laban kay Marcos Jr.

Habang si PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ay sinampahan ng kaso ang isang retiradong opisyal ng militar kamakailan nang isabit siya sa umano’y planong pagpapabagsak sa kasalukuyang gobyerno.

Dumistansya si Duterte sa naturang pakana ngunit noong Linggo ay lantaran niyang hinimok ang pulisya’t militar na kumilos dahil isang drug addict ang pangulo ng bansa at kailangan nilang kumilos para maiwasan ang pagdanak ng dugo.

Hindi pa nakuntento sa pagbatikos, pinagbantaan pa niya ang buhay ni Marcos Jr. dahil sa aniya’y pagiging drug addict na kasama sa nakita niyang drug watch list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong siya’y alkalde pa ng Davao City.

“Ayun ang bakit ako nagkaroon ng kaso ng ICC. Sabi nila pinapagpatay ko daw ‘yung mga drug pusher at drug addict. Mabuti na lang wala na ako sa pwesto baka kasali ka pa, Mr. President,” sabi ni Duterte sa prayer rally noong Linggo sa Davao City. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *