Magsasampa ng mga kaso ang National Bureau of Investigation anomang araw ngayong linggo hinggil sa mga umano’y iregularidad kaugnay sa “golden kaldero’ na itinayo para sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games, ayon kay NBI Director Melvin Matibag.
Kinompirma ni Matibag sa Saturday News Forum na nakakalap ng mga dokumento at mga testimonya ang NBI na magpapatibay sa mga kasong kriminal na ihahain sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ).
Bahagi aniya ito ng mas malawak na pagsisiyasat sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na umano’y dawit sa maraming asunto at tambak na mga dokumento at testimonya.
“We divided this into pieces so we can file cases. There will be different cases coming out. The cauldron is another case. That might be the first one,” sabi ni Matibag.
Kabilang aniya sa mga dokumentong hawak ni NBI ay nagsasaad na ang “golden kaldero”,na napaulat na nagkakahalaga ng P55 milyon, ay umano’y limang milyon lamang.
Ilang lider ng iba’t ibang sports associations ay iniimbestigahan din at ang ilan sa kanila’y humarap na sa NBI matapos makatanggap ng subpoena.
Binubusisi rin aniya ng NBI ang mga aktibidad na malapit kay Sen. Alan Peter Cayetano, naging pinuno ng PHISGOC noong 2019.
Tinukoy niya si sports executive Ramon Suzara na kabilang na sinisiyasat ng NBI.
Ilang umano sa PHISGOC members ay naging mga kasamahan ni Cayetano, staff members o associates.
Tinitingnan din aniya ng NBI ang patuloy na pag-sponsor ng PHISGOC ng international events kahit itinatag ito para iorganisa ang 2019 SEA Games.
“It was supposed to end its existence after the SEA Games. But we found out that until now, they are still sponsoring international events. We are looking into that,” giit ni Matibag.# (RRN)