Wed. Sep 9th, 2026

Mariing kinondena ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang panukalang zero allocation para sa pag-hire ng mga bagong guro at sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, isang programang matagal nang isinama ng libo-libong guro sa kanilang trabaho nang walang karagdagang kompensasyon.

Sa budget hearing kahapon, lumabas na sa ₱975.6-bilyong panukalang badyet ng Department of Education (DepEd) para sa FY 2027, may netong bawas na ₱44.57 bilyon (-4.64%) kumpara sa 2026 GAA.

Kasama rito ang zero pondo para sa hiring ng guro at ARAL Program. Sa capital outlay, 5,000 bagong silid-aralan lang ang nakaprograma, ngunit target na matapos ay 700 lamang sa 2027.

Ibinunyag din ng DepEd na nagsumite ito ng “wishlist” para sa recruitment ng guro, ARAL, at iba pang kritikal na programa—mga pangangailangang dapat sana’y nakapaloob na sa orihinal na badyet.

Giit ng ACT, hindi nito tinutugunan ang krisis : kulang ng 165,000 classrooms, 150,000 guro, at higit 300,000 education support personnel.

“Bakit ito bahagi lang ng wishlist? Napaka-basic ng hiring ng teachers at pagpapatayo ng silid-aralan, pero ito ang walang pondo,” ani ACT Chairperson Ruby Bernardo.

Tinuligsa ng ACT ang pag-asa ni DepEd Sec. Angara sa congressional insertions, na anila’y nagiging daan sa pork barrel at patronage politics. Binalaan ng grupo na ang ganitong sistema ay nagiging bitag na ginagawang “pet projects” ng mga politiko ang batayang imprastraktura ng paaralan.

“Ito mismong sistema ng insertions at amendments ang nagbubukas ng pintuan para sa pork barrel at kickbacks… habang ginagawang panuhol sa botante ang batayang karapatan ng kabataan,” dagdag ni Bernardo.

Binanggit din ng ACT ang EDCOM 2 findings na nagpapakita ng sobrang bigat ng trabaho ng mga guro, kung saan 42% ay nagtatrabaho nang lampas 50 oras kada linggo dahil sa ancillary duties.

“Klarong-klaro na hindi totoong prayoridad ng administrasyong Marcos ang edukasyon at ang ating mga guro,” diin ni Bernardo.

Panawagan ng ACT ay tapusin ang insertions at patronage politics ;ibalik ang capital outlays at pondohan ang hiring ng guro at support staff ; i-rechannel ang militarization at flood control funds tungo sa social services  at itaas ang education budget sa hindi bababa sa 6% ng GDP. # (RRN)

By admin