Sun. Sep 13th, 2026

ng Health Alliance for Democracy (HEAD)

 

  1. ANO ANG PAX SILICA?

Ang Pax Silica ay inisyatibong pinapangunahan ng Estados Unidos  para sa planong kontrolin ang high-tech industrial at manufacturing center na nakatuon sa paggawa o iproseso ng semiconductors at computer chips, artificial intelligence (AI) technologies, at kritikal minerals gaya ng nickel at copper.

Ang planong Pax Silica Industrial Hub na 1,620 ektarya ay itatayo sa New Clark City, Capas, Tarlac, bilang bahagi ng Luzon Economic Corridor mula sa Subic Bay, Clark, Metro Manila at Batangas.

Noon, tinawag na Pax Romana, Pax Britannica at Pax Americana o kapayapaan sa pamamagitan ng pandaigdigang dominasyon na nakabatay sa laki ng hukbo, teritoryo, kalakalan, at hubong-dagat. Ngayon, Pax Silica o “kapayapaan sa pamamagitan ng silicon,”ang bagong sandata nakabatay sa kapangyarihang makukuha mula sa kontrol sa silicon, semiconductors, AI, at iba pang kritikal na teknolohiya.

Naging tagapagtatag ang US, Australia, Israel, Japan, South Korea, Singapore at UK noong Dis. 12, 2025.  Umaabot na sa 24 mga bansang nakapaloob dito.  Bagamat Abril 17, 2026 lang napabilang ang Pilipinas, ito ang may unang konkretong proyektong  na isasagawa samantalang karamihan sa ibang kasapi ay nasa antas pa lamang ng mga patakaran, pahayag, at plano. Inaasahang dumating si US Pres. Donald Trump sa Pilipinas sa Nob. 2026 upang pirmahan ang balangkas ng Pax Silica.

  1. ANO ANG MGA PANGANIB NG PAX SILICA?

Salot ang Pax Silica na magdudulot ng mga panganib sa mamamayang Pilipino.  Nililinlang nito ang mga Pilipino sa mga pahayag tungkol sa bilyun-bilyong dolyar na pamumuhunan  sa Pilipinas, kita mula sa export sa semiconductor at AI,  paglago ng industriya ng AI processing, microchip manufacturing at mining, at pagdami ng trabaho.

Katiting ang benepisyo kung ikukumpara sa mga panganib na ibibigay nito.   Kabilang sa pangunahing suliranin ang mga sumusunod :                                                 

Pagkamkam ng lupa . Ang lupa ay buhay para sa mga katutubong Aeta at magsasaka. Mapapalayas sila  sa kanilang mga lupang ninuno. Apektado ang kanilang kabuhayan at produksyo ng pagkain at mawawalan sila ng tirahan.

Pag-unti ng suplay ng tubig at kuryente. Mangangailangan ng humigit-kumulang 130 milyong litro ng tubig bawat araw ang proyekto.  Katumbas ito ng konsumo ng tubig ng 600,000 kabahayan o isang medium-sized na syudad. Hihina ang suplay ng tubig para sa pag-inom, sanitasyon at produksyon ng bigas at gulay sa mga karatig na lugar.  Kailangan ng 3 gigawatts ng kuryente na katumbas ng 16% ng kapasidad ng Luzon grid capacity. Maaaring humantong sa brownout o pagtaas ng presyo ng kuryente para sa mga kabahayan at industriya.

Pandarambong at pagkasira ng kalikasan.  Ang paggawa ng semiconductors at microchips ay nangangailangan ng minerals na miminahin sa Pilipinas. Magresulta ito ng pagkaubos ng minerals at pagkasira ng kagubatan at watershed.

Paglala ng polusyon at pagdami ng sakit.   Magkakaroon ng  toxic wastewater mula sa  pagmina ng mga kritikal minerals at pagproseso nito para sa paggawa ng semiconductors. Gagamit ng industrial chemicals na makalikha din ng mapanganib na basura.  Maaaring magkaroon ng exposure na magdudulot ng respiratory at cardiovascular na mga sakit.

Noise pollution mula sa konstruksyon at 24/7 na operasyon ng malalaking pasilidad, cooling systems, at iba pang imprastraktura. Maaaring makaapekto ito sa katahimikan sa lugar at tulog mga taga-komunidad na magdulot ng stress. Dagdag dito, pati wildlife sa mga karatig na lugar ay maaaring maistorbo ng ingay.

Walang katiyakan sa trabaho.  Walang  malinaw na plano sa dami ng permanenteng trabaho ang malilikha, uri ng trabaho, magkano ang sahod, at gaano kalaki ang bahagi ng mga Pilipino sa high-skilled positions.

Wala ring occupation hazard plan para sa maaaring ma-expose na  mga manggagawa sa pagmimina, construction, semiconductor manufacturing, energy infrastructure, at data centers.

Sa kabuuan, ang Pax Silica project ay salot.  Makaka-apekto ito sa social determinants of health, partikular sa access sa malinis na tubig, pagkain, trabaho, ligtas na tirahan, at malusog na kapaligiran. Kahit na anupamang pag-unlad ang ipangalandakan ng gobyerno, hindi ito kapalit ng buhay at kalusugan ng mamamayan.

  1. BAKIT TINUTULAK NG GOBYERNO AT NG ESTADOS UNIDOS ANG PAX SILICA?

Ang Pax Silica ay hindi lamang isang proyekto para sa industriya at teknolohiya sa pangunguna ng US. Ito ay bahagi ng pagtatangka nito na palakasin ang sariling supply chain at agawin sa China ang dominasyon sa produksyon ng teknolohiya, kritikal na mineral, at mga pasilidad sa pagproseso.  Bahagi rin ito ng mas malawak na pagpopostura at pagpapalakas ng US  upang mapanatili ang impluwensya nito sa pandaigdigang ekonomiya, teknolohiya, at seguridad.

Dahil sa lumalaking pangangailangan para sa makabagong AI at teknolohiyang militar, maaaring palakasin ng Pax Silica ang teknolohikal na imprastraktura at tiyakin ang suplay ng mga hilaw na materyales na kinakailangan para sa drone at missile warfare, at iba pang aplikasyong militar sa mga digmaang agresyon ng US.

Kaugnay nito, mahalaga ang Pilipinas sa US, hindi lang dahil sa kritikal na minerals sa bansa na kailangan sa paggawa ng semiconductors at AI technology, kundi lalo pa dahil sa geopolitical strategy at lokasyon sa First Island Chain at sa pagiging malapit nito sa China at Taiwan. Ginawa ng US ang Pilipinas na mistulang malaking kampo at base militar na nangyayari dahil sa kasunduang militar gaya ng VFA at EDCA.  Seguridad daw ito ng Pilipinas laban sa China, gayong nilalagay sa panganib ang bansa bilang target ng attack sa girian  niya sa China.

Walang hanggang kataksilan  at pagkapapet ang rehimeng Marcos Jr sa imperyalismong US. Sukdulang ibenta niya ang likas na yaman ng Pilipinas sa US at isuko ang soberanya ng Pilipinas.

  1. ANO ANG DAPAT NATING GAWIN PARA LABANAN ANG PAX SILICA?

Nasa ating pagkakaisa at masiglang pagkilos sa propaganda-edukasyon na abutin ang pinakamaraming bilang ng mamamayan para biguin ang Pax Silica.

  • Tutulan ang Pax Silica bilang bahagi ng laban para sa pambansang soberanya. Tutulan ang pagbenta ng Pilipinas sa imperyalistang US at mga dayuhang bansa.                                                                                                                           Tutulan ang mga patakarang naglalagay sa likas na yaman, imprastraktura, at ekonomiya ng bansa sa ilalim ng kontrol ng kapangyarihan ng US.
  • Paunlarin ang sariling industriya at agrikultura para sa mamamayan. Dapat gamitin ang likas na yaman at lakas-paggawa ng bansa para sa pagpapaunlad ng tunay at sariling industriya at agrikultura.  
  • Unahin ang pangangailangan ng mamamayan. Ang lupa, kagubatan at iba pang likas na yaman ng Pilipinas ay para sa kapakanan ng mamamayan at pambansang kaunlaran. #

 

 

By admin