NATANGGAP na ng abogado ni Apollo Quiboloy sa Makati City ang show cause order na inilabas ng Senado laban sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder.
Inihayag ito ni Sen. Risa Hontiveros , chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa isang press conference ngayon.
Layon ng order na makipag-ugnayan si Quiboloy sa Senado sa loob lamang ng 48 na oras upang ipaliwanag kung bakit hindi siya maaring arestuhin ng senado.
Nilagdaan nina Hontiveros at Senate President Juan Miguel Zubiri ang show cause order laban kay Quiboloy.
Sa sandaling mabigo si Quiboloy na makipag-ugnayan sa Senado sa loob ng 48 na oras o kaya’y hindi katanggap-tanggap ang kanyang mga ihahayag na dahilan, maaari na siyang arestuhin ng mga tauhan ng Office of Sergeant at Arms ng Mataas na Kapulungan para iharap sa imbestigasyon ng komite ni Hontiveros.
Si Quiboloy at iba pang opisyal ng KOJC ay inakusahan ng ilan nilang dating miyembro ng ng pang-aabusong sekswal at pisikal , pagpapatrabaho ng walang suweldo at pagkuha ng personal na pera. ( NINO ACLAN)