HINILING ni Federation of Free Farmers national manager Raul Montemayor kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na isama sa imbestigasyon sa National Food Authority (NFA) ang umano’y bilyun-bilyong pisong halaga ng fresh palay na ipinagbili ng nakaraang mga administrasyon.
Pinatawan ng anim na buwan na preventive suspension ni Tiu-Laurel kanina sina NFA Administrator Roderico Bioco, assistant administrator NFA Assistant Administrator for operations John Robert Hermano, 99 warehouse supervisors, 26 branch manager at labing-dalawang regional managers, batay sa rekomendasyon ng Ombudsman.
Sa ulat ng Philippine Star, sinabi ni Montemayor na dapat din kuwestiyonin ang whistleblower na si NFA Assistant Administrator for operations Lemuel Pagayunan dahil na-assign ito dati sa marketing bago pa naitalaga si Bioco bilang NFA administrator.
Hindi na bago ang mga isyu ng umano’y katiwalian sa ahensya , matatandaan noong Setymebre 2018 ay tinukoy ni Presidential Spokesman Harry Roque si dating NFA administrator Jayson Aquino na utak sa krisis sa bigas na dinaranas ng bansa na nagresulta sa paglobo ng inflation at naging dahilan ng pagbasak ng trust at approval rating ni Duterte.
Noong Oktubre 2018 ay inalis ni Duterte sa NFA ang kapangyarihan na mag-accredit ng rice importers at magdetermina kung gaano karaming bigas ang puwedeng angkatin.
Ibinalik ni Duterte sa Department of Agriculture ang pangangasiwa sa NFA.
Habang ang pumalit kay Aquino bilang NFA administrator na si Judy Karol ay niyanig din ng mga akusasyon gaya ng graft charges sa Ombudsman, administrative case sa Civil Service Commission at umano’y paglabag sa NFA procurement rules. (ROSE NOVENARIO)