ISASAMPA ng Department of Justice ang mga kasong qualified human trafficking at child abuse laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.
Sinabi ito ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa isang press conference kanina.
Ayon kay Remulla, pinayagan ng DOJ ang isang petition to review, at inatasan ang Office of the City Prosecutor of Davao City na maghain ng kasong sexual abuse of a minor na paglabag sa Republic Act 7610 or the Anti-Child Abuse Law laban kay Quiboloy.
Habang ang qualified trafficking case ay isasampa sa isang hukuman sa Pasig City.
Nilagdaan na rin ni Remulla ang isang precautionary hold depaerture order laban kay Quiboloy.
“Pinag-aralan namin nang husto at ang lumalabas talaga rito, meron talagang kailangang panagutan si Pastor Apollo Quiboloy at ang kanyang mga kasama, sa isang complainant, sa isang nagrereklamo nung panahon na ‘yun ay may edad na 17 anyos nung nangyari ang krimen,” ani Remulla.
Nauna nang inihayag ni Quiboloy na haharapin lang niya ang mga akusasayon laban sa kanya sa korte.
Parehong naglabas ng subpoena laban sa KOJC founder ang Senado at Mababang Kapulungan matapos niyang isnabin ang mga pagdinig kaugnay sa mga pang-aabuso sa mga kasapi ng kanyang sekta at ang pagbawi sa prangkisa ng Sonshine Media Network International, ang broadcast media arm KOJC. (ZIA LUNA)