WALANG epekto kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga pag-atake sa kanya ni dating Presidente Rodrigo Duterte dahil hindi niya ugali ang “mamersonal.”
“So, like I told you many times before, hindi ako namemersonal. Para sa akin, hindi naman madali, pero nahihiwalay ko ‘yung trabaho at saka ‘yung personal. So, I don’t see a problem there,” sabi ni Marcos sa panayam ng Philippine media sa Germany.
Tiniyak ni Marcos Jr. na makatatanggap ng personal na pagbati mula sa kanya ang dating Pangulo sa pagdiriwang nito ng ika-79 kaarawan sa 29 Marso.
We will, of course, wish him a happy birthday, and many happy returns. At talaga namang that is, alam mo naman tayong mga Pilipino ginagalang natin ‘yung mga very important occasions na ganiyan,’ anang Pangulo.
“Like I told you before, although there is an official greeting from the Office of the President, there will also be greeting, e personal ko namang kilala si PRRD,” dagdag niya.
Sa ginanap na prayer rally ng mga tagasuporta ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy ay binatikos ni Duterte si Marcos Jr. sa pagsusulong ng Charter change (Cha-cha) na aniya’y may layunin na palawigin ang termino sa Malakanyang gaya ng ama nitong si Marcos Sr.
Si Duterte ang itinalaga ni Quiboloy na administrador ng mga ari-arian ng KOJC.
Nakaamba ang mga arrest warrant laban kay Quiboloy mula sa US, Senado, Mababang Kapulungan at mga hukuman sa Pilipinas, pati International Criminal Court (ICC) dahil sa iba’t ibang kasong kriminal at hindi pagsipot sa mga pagdinig sa Kongreso. (ZIA LUNA)