KINUWESTIYON ni Sen. Raffy Tulfo ang pagiging “jetsetter” ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga at ang hirit nitong P1.73-B budget para sa foreign trips ng kagawaran.
Ayon kay Tulfo, sa taong 2023 ay naglaan ng P1.1 bilyon para sa mga foreign trip ng DENR at mismong si Yulo-Loyzaga ay lumabas ng bansa ng 14 na beses mula maluklok bilang environment secretary.
“Ano po ang nagbunga sa mga trips na ito? Meron po kasi akong natanggap na mga reklamo mula mismo sa mga taga-DENR. Ang secretary daw po ng DENR ay isang jetsetter,” ayon kay Tulfo sa deliberasyon ng Senado sa panukalang budget ng DENR sa 2024.
“’Yung kanilang DENR secretary ay hindi nila nakikita or bihira nila makita in person unlike the other DENR secretaries who go to the ground para makausap sila at mag inspeksyon at ‘yung DENR secretary daw nila ngayon walang ginawa kundi forum lang sa mga hotels at mga video conference at wala po talagang pumupunta sa ground. Yan po ang sumbong na galing sa mga taga-DENR.”
Ipinagtanggol si Yulo-Loyzaga ni Sen. Cynthia Villar, DENR budget sponsor, at hindi lang aniya sa Office of the Secretary napupunta ang foreign trip budget kundi maging sa ibang attached agencies ng DENR.
“Baka pwede pagtuunan niyo na lang yung mga problema sa DENR…versus kayo po ay mag-a-abroad. ‘Yan po ang aking humble and unsolicited advice, base po ‘yan sa request ng inyong mga kasamahan sa DENR,” ani Tulfo. (NIÑO ACLAN)