HIHILINGIN ng Department of Justice sa isang forensic expert na isailalim sa autopsy ang mga labi ng pangunahing akusado sa pagpaslang sa beteranong broadcaster na si Percival “Pery Lapid” Mabasa upang mabatid ang tunay na dahilan nang pagpanaw niya.
“To dispel doubts and rumors, once and for all, the DOJ is also contemplating seeking Dr. Raquel Fortun’s expertise to conduct an autopsy on Zulueta’s remains,” sabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa isang kalatas.
“Unravel the truth, leave no stone unturned and don’t let anyone or anything prevent us from pursuing accountability and delivering justice,” dagdag niya.
Inutusan ni Remulla ang National Bureau of Investigation (NBI) na alamin ang totoong sanhi nang pagkamatay ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Deputy Security Officer Ricardo Zulueta, isa sa itinuturong mastermind sa pagpatay kay Percy.
Unang napaulat na dinala sa ospital sa Bataan si Zulueta ng kanyang kapatid na lalaki noong Biyernes ng gabi sanhi ng pagsakit ng dibdib at kalauna’y binawian ng buhay.
Ngunit nakasaad sa kanyang death certificate na ang cause of death niya ay “cerebrovascular disease intracranial hemorrhage” kaya’t nagkaroon ng pagdududa sa tunay na dahilan ng kanyang kamatayan.
“We urge the Philippine National Police to share with the DOJ its findings, as well the cause of Zulueta’s death,” ani Remulla.
Mula masangkot sa pagpaslang kay Percy at inmate na si Jun Villamor, nagtago na si Zulueta at pinaniniwalaang kasama ng kanyang boss at kapwa akusadong mastermind na si dating BuCor Director General Gerald Bantag.
Matatandaan si Fortun din ang nagsagawa ng autopsy sa mga labi ni Villamor kaya natuklasan na ang kanyang ikinamatay ang ang pagsaklob ng plastic na supot sa ulo.
Si Zulueta ang itinuro ng mga gang leader sa New Bilibid Prison na kumausap sa kanila para maghanap ng mga magtutumba kay Percy, batay sa utos ni Bantag. (ROSE NOVENARIO)