Fri. Nov 22nd, 2024

PINAGDUDUDAHAN ni Sen. Win Gatchalian na konektado si Bamban Mayor Alice Guo sa operasyon ng isang Philippine Offshore Gaming Operator o POGO na ni-raid noong Marso 13 sa Bamban, Tarlac, batay sa nakalap na mga dokumento ng tanggapan ng senador.

Sinabi sa kalatas ni Gatchalian na ang naturang POGO, o kilala na ngayon sa tawag na Internet Gaming Licensee (IGL), ay inireklamo ng human trafficking at serious illegal detention.

Ang unang dokumento ay isang Sangguniang Bayan Resolution noong Setyembre 2020 na nag-aapruba sa lisensyang magpatakbo ng Hongsheng Gaming Technology, Inc. sa lugar.

Ang nag-apply ng lisensya ay ang private citizen noon na si Alice Guo na siya nang alkalde ng lugar ngayon. Ang Hongsheng ay ni-raid noong Pebrero 2023. ‘Di kalaunan ay sumulpot sa parehong compound ang kumpanyang Zun Yuan Technology, Inc., ang bagong raid ng mga awtoridad.

Sa isa pang dokumento ay nakasaad ang listahan ng mga sasakyan na natagpuan sa mala-palasyong mga villa na nasa compound din ng Zun Yuan Tech. Pinatunayan ng Land Transportation Office (LTO) na ang isa sa mga sasakyan, Ford Expedition EL na may plate number na CAT 6574, ay nakarehistro sa ilalim ng pangalan ni Guo.

Dagdag pa, ang isang statement of account na galing sa Tarlac II Electric Cooperative, Inc. (TARELCO II) ay natagpuan din sa opisina ng Zuan Yuan.

Ang statement of account, na tila bill ng kuryente na nagkakahalaga ng P15.111 milyon at sumasaklaw sa panahon ng Setyembre 2023 hanggang Pebrero 2024, ay naka-address kay Guo.

Binigyang-diin din ng senador na kailangang imbestigahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang posibleng kinalaman ng alkalde sa mga ilegal na aktibidad ng Zun Yuan.

“Ang mga dokumentong ito ay maaaring mag-ugnay kay Mayor Guo sa operasyon ng pasilidad ng POGO na dawit sa iba’t ibang kriminal na aktibidad. Dapat tingnan nang maigi ng DILG ang bagay na ito,” sabi ni Gatchalian.

Ayon sa senador, na isa ring dating alkalde, dapat kumilos ang mga local executives upang maiwasan ang mga kriminalidad sa kani-kanilang nasasakupan at hindi dapat masangkot sa mga kahina-hinalang negosyo tulad ng POGO.

Kamakailan lang ay naghain si Gatchalian, ang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, ng resolusyon upang magsagawa ng imbestigasyon sa diumano’y human trafficking, serious illegal detention, physical abuse, at torture na naganap sa lugar ng Zun Yuan sa Bamban, Tarlac. (NINO ACLAN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *