Thu. Nov 21st, 2024

MALAKAS raw ang kabog ng dibdib ng isang alkalde dahil mukhang tagilid na siya para sa pangarap niyang huling termino sa 2025 midterm elections.

Kaya naman all-out ang alkalde na itago natin sa alias na “Mayor Fendi” sa panunuyo sa ilang opisyal ng kanyang siyudad para makapangunyapit pa ng mas matagal ang kanilang political dynasty sa puwesto.

“Ikaw ba naman na wala namang mataas na pinag-aralan at la-wa rin matatag na hanapbuhay ang maluklok sa puwesto at ginawang sariling pitaka ang kaban ng bayan, eh, bibitaw ka pa ba?” sarkastikong tanong ng Miron sa Avenida.

Mistula raw Quiapo lang ang Macau sa dalas pasyalan ng pamilya at friends ni Mayor Fendi dahil dito nila nairaraos ang kanilang pagkasugapa sa casino.

Gumagastos daw ng husto si Mayor Fendi at kanyang mga financier para suhulan ang ilang opisyal, lalo na ang may malaking bilang ng mga botante, upang matiyak na tangan nila ang loyalty ng mga ito at impluwensiyahan ang kanilang constituents na iboto pa rin ang kanilang pamilya sa 2025.

Ilang araw bago ang Semana Santa kamakailan ay lumabas din ng bansa ang pamilya ni Mayor Fendi para marinig ang kalansing ng slot machine at masilayan ang mga paboritong baraha.

CLUE:

“Ang estilo raw ng pamilya ni Mayor Fendi, gaya ng kultura ng corrupt na politiko, pananatilihing mahirap at mangmang ang mamamayan upang umasa sa ibibigay nilang limos na ninakaw din naman nila sa kaban ng bayan,” sabi ng nagngingitngit na supporter na makakalaban ni Mayor Fendi sa eleksyon.

Tagaktak ang pawis ng mga pobre nilang constituents sa mahabang pila para sa P300 na medical assistance na galing raw kay Mayor Fendi pero ang mga nililigawan niyang opisyal na may malaking boto ang lugar ay ginastusan niya ng all expenses paid trip sa lugar ng mga singkit.

“Sa bakasyon engrande nila niluluto ang mga proyekto daw  na ibibigay sa kanila ni Mayor Fendi, kapalit ng boto,” sabat ng isa pang miron.

Kabilang raw sa pinakamahirap ang mga residente ng lungsod ni Mayor Fendi bagama’t nakapalaki ng sukat nito,kaya’t malaking palaisipan kung saan napupunta ang kita ng siyudad,  ayon sa makakatunggali ni Mayor Fendi next year.

‘Yun na!

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *