Mon. Nov 25th, 2024

MURA at insulto ang muling pinakawalan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban kay Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos kuwestiyonin ang “gentleman’s agreement” na pinasok niya sa China kaugnay sa West Philippine Sea.

“Ayaw kong mag-insulto, eh inumpisahan mo. Kung tinawagan mo sana ako, ‘di ka makatanggap nito. Ikaw, putang ina ka, hindi ka nakatapos. Hanggang second year college ka lang,” sabi ni Duterte sa pahayag ni Marcos Jr. na nakagigimbal ang ideya na sa pamamagitan ng isang secret agreement ay kinompromiso ang teritoryo, soberanya at sovereign rights ng mga Pinoy.

“I am horrified by the idea that we have compromised, through a secret agreement, the territory, the sovereignty, and the sovereign rights of the Filipinos. Kung ay ang sinasabi sa agreement na ‘yan na kailangan nating mag-permiso sa ibang bansa para gumalaw sa ating sariling teritoryo, mahirap sigurong sundan ang ganyang klaseng agreement,” reaksyon ni Marcos Jr. sa ibinunyag ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na may “gentleman’s agreement” sina Duterte at Chinese President Xi Jinping na hindi magdadala ng construction materials ang Pilipinas sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal.

Tinawag na naman ni Duterte na drug addict si Marcos Jr. kagabi, na naging kostumbre na niya lalo sa kasagsagan na naisiwalat na ginastos ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang P125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022 at tinanggal ang confidential at intelligence funds ng OVP at Office of Education Secretary.

Maging si ACT Teachers partylist Rep. France Castro ay pinagbantaan din niyang papatayin dahil ang mambabatas ang isa sa pangunahing nagbulgar sa “kuwestiyonableng” CIF ni VP Sara.

May ilang ulit na rin ginamit na panakot ni Duterte na mapapatalsik sa poder si Marcos Jr. makaraang ibunyag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na tapos na ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity at hinihintay na lamang na ilabas ang international warrant laban sa dating pangulo.

Halata naman na ang muli niyang pambabadargul kay Marcos Jr ay may kaugnayan sa patung-patong na kasong kinakaharap ng kanyang spiritual adviser at puganteng si Apollo Quiboloy.

Nakaupo pa sa Malakanyang ay normal para kay Duterte ang insultuhin ang mga kritiko, gaya ni noo’y Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Dick Gordon na pinangunahan ang imbestigasyon sa multi-bilyong Pharmally anomaly na ang pasimuno ay ang dati niyang economic adviser na si Michael Yang.

Habang si Trillanes ay binawi niya ang amnestiya at muntik ibalik sa kulungan makaraang akusahan siyang may kuwestiyonableng yaman at isangkot ang kanyang anak na si Rep. Paolo Duterte sa illegal drug trade.

Si dating Sen. Leila de Lima ay ipinakulong ni Duterte sa kasong drug trafficking nang ibisto ang patayan na kagagawan ng Davao Death Squad (DDS).

Mahaba pa ang listahan ng mga hinambalos niya ng masasakit na salita at mukhang wala siyang planong tumigil hangga’t hindi nagiging pabor muli sa kanya, sa China at kanyang mga alipores ang sitwasyon.

Marami ang nagtataka tuloy kung bakit ang mga unipormado ay napakatapang sa mga walang kalaban-labang aktibista pero kay Duterte na lantaran ang paghahamon sa kanilang awtoridad ay bahag ang kanilang buntot.

Kung gaano pa katagal pagtitiyagaang pakinggan ng matitinong mamamayan, lalo na ng mga kabataan, ang sagad na kabastusan ng isang abogadong politiko sa bansang ito, tanging si Marcos Jr. lamang ang makasasagot.

 

 

 

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *