“BINULAG” ng administrasyong Duterte si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa pinasok nitong “gentleman’s agreement” sa China kaugnay sa West Philippine Sea.
Sa media interview kay Marcos Jr. kanina, iginiit ni Marcos Jr. na wala siyang alam sa kahit na anomang kasunduan sa China na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
“We don’t know anything about it. There is no documentation, there is no record. We were not briefed when I came into office. Walang man lang nagsabi sa amin na may ganoong usapan. So, we’re trying to clear it up to now because from the former administration, iba-iba ang sagot, eh. Sabi ng isang opisyal, dating government official under the previous administration there’s no such agreement. Sabi naman ng isa, no there is and we should honor it. Sabi naman ng iba, maganda ‘yan, sabi ng iba hindi maganda ‘yan. Hindi pa namin alam kung ano ba talaga ‘yang agreement na ‘yan,” aniya.
“But kung ay ang sinasabi sa agreement na ‘yan na kailangan nating magpermiso sa ibang bansa para gumalaw sa ating sariling teritoryo, mahirap sigurong sundan ang ganyang klaseng agreement,” dagdag niya.
Nakapanghihilabot aniya ang ideya na may nakipagkompromiso, sa pamamagitan ng isang secret agreement, para sa teritoryo, soberenya at sovereign rights ng mga Pinoy.
Hihintayin niya ang pagbabalik ni Chinese Ambassador Huang Xilian mula sa Beijing para linawin ang usapin.
“I’ll ask to see him baka siguro sa pagbalik na. At ipaliwanag niya kung sino ba ang kausap mo? Sino ba talaga ang kausap mo? Ano’ng pinag-usapan ninyo? Ano’ng pinag-agree-han ninyo? Was this an official thing or was it a personal thing? Ano ba ito? Dahil wala kaming record,” sabi ni Marcos Jr.
Giit niya, walang record hinggil sa nasabing kasunduan kaya’t dapat malaman kung bakit inilihim ito ng administrasyong Duterte. (ROSE NOVENARIO)