BAKIT inilihim ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang pinasok na kasunduan sa China kaugnay sa Ayungin Shoal?
Ito ang pangunahing kuwestiyon ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Duterte matapos kompirmahin ng Chinese Embassy na may ‘gentleman’s agreement” ang Beijing sa dating pangulo hinggil sa pananatili ng “kapayapaan” sa Ayungin Shoal.
Nais din malaman ni Marcos Jr. ang nakasaad sa kasunduan ng China kay Duterte .
Labis din ipinagtaka ni Marcos Jr. kung bakit pumayag si Duterte, bilang bihasang abogado, na hindi dokumentado o naitala ang kasunduan at hindi isinapubliko ito.
Gayonman, nakahanda ang Pangulo na makipag-usap kay Duterte upang talakayin ang foreign policy at mga kasunduang pinasok ng gobyerno na may kinalaman sa South China SEa.
Inihayag kamakalawa ni Duterte na may mga hawak siyang dokumento kaugnay sa China at nirerepaso niya ang mga agreement na pinirmahan ng kanyang administrasyon.
“Send them to me and then we’ll sit down. Send those documents to me. And then I’ll sit down and discuss it. I’ll do my homework for him. Just the way I work. I read all the materials first so when I’m in the conference, I can ask intelligent questions,” ayon kay Marcos Jr. nang tanungin ng media sa Washington DC kung nakahanda siyang pag-usapan nila ito ni Duterte.
“So send me the materials, personally to me. ‘Wag na sa DOJ, sa DFA, sa akin. Padala n’ya sakin. Marami kaming common na kaibigan. Send them to me. Pag-aralan ko. Mag-usap kami kung gusto n’ya,” dagdag niya.
Hindi pabor si Marcos Jr. sa ideya na pumasok sa isang secret agreement sa China na maaaring maglagay sa kompromiso ang soberenya at territorial integrity ng Pilipinas.
Nanindigan siya na anomang kasunduan sa isang sovereign state ay dapat malaman ng publiko, ng mga halal na opisyal at ng Senado, na nagraratipika ng mga tratado na pinasok ng gobyerno.
“It should be known by the local officials. It should be known by everyone. Because in that way you can… you are accountable. If it’s a bad decision, you’re accountable. Sabihin n’yo, mali ‘yung ginawa ninyo. Di ba? Ano ‘yung tinatago mo, bakit di n’yo sinabi, what are you hiding? Why was it secret?” aniya.
Ipinagkibit-balikat lamang niya ang ibang kritisismo ni Duterte kaugnay sa West Philippine Sea.
“It has no place in this very important and very precarious discussion. I don’t pay any attention to that,” giit ni Marcos Jr. (ROSE NOVENARIO)