SINIBAK bilang pinuno ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) si Demosthenes Escoto matapos matuklasang guilty ng Office of the Ombudsman sa kasong grave misconduct sa “maanomalyang” P2-B transmitter deal.
Ayon sa state prosecutors, ang desisyon ay bunga ng nabisto nilang papel ni Escoto sa “anomalous scheme” sa pagbili ng transmitters at transceivers para sa catcher vessels na may layuning porotektahan ang marine resources mula sa unregulated fishing.
Itinalaga ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. si Isidro Velayo Jr. bilang officer in charge (OIC) ng BFAR.
Sa 23-pahinang desisyon na may petsang Pebrero 5 na isinapubliko lamang kahapon, kinuwestion ang paggawad ni Escoto, chairman ng bids and awards committee ng BFAR, ng P2.3-B kontrata sa SRT-United Kingdom (UK) para sa pagbili ng 5,000 units ng transreceivers para sa catcher vessels na pinondohan ng loan mula sa France.
Nabatid na batay sa pagbusisi ng French Embassy, ang SRT-France, isang subsidiary ng SRT-UK, ay isa lamang 1-month-old company na hindi eligible dahil wala itong manufacturing facilities o anomang naitalang aktibidad sa European country.
Kinansela ang French loan dahil ang SRT-UK, mother company ng SRTF-France, ay hindi isang French company kaya’t sinalo ng Philippine government ang halaga ng proyekto.
Mula sa inisyal na P1.7-bilyon budget, lumobo ang halaga nito sa P2.1 bilyon.
“These series of events are circumstantial evidence proving that the contract for the Philo project was, at the very first instance, meant for Escoto to [award the contract] to SRT-UK,” sab isa bahagi ng desisyon.
Tinukoy rin ang ilang kaduda-dudang kaganapan gaya ng biglang pagbuo sa SRT-France, ang pahintulot na ibinigay rito kahit na batid ng BAC na aasa lamang ito sa parent company, at ang pagsasawalang-bisa ng BFAR sa French loan “in order to remove the French-related conditions.”
Ang naturang hakbang ay nagbigay daan para sa SRT-UK na lumahok sa bidding na pinalawak ang saklaw at dinagdagan ang halaga.
Maaari pang i-apela ni Escoto sa Court of Appeals ang desisyon ng Ombudsman. (ZIA LUNA)