LABIS na ipinagtataka ni Fr. Ranhillo Aquino, dean ng Graduate School of Law ng San Beda University – Manila, kung bakit nananatili pa si Prospero de Vera III bilang chairman ng Commission on Higher Education (CHED) sa kabila ng mga isyu laban sa liderato niya sa komisyon.
Ang katanungan ay ipinaskil ni Aquino sa Facebook kasunod ng ulat na 10 indigenous student scholars mula sa South Cotabato ay naghain ng reklamo laban kay De Vera sa Office of the Ombudsman bunsod ng hindi pagbibigay sa kanila ng living allowance mula noong 2021.
Nanawagan ang complainants kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa liderato ng Kongreso na gumawa ng kaukulang hakbang laban sa kawalan ng aksyon ni De Vera sa kanilang kahilingan kahit naglaan ang Kongreso ng pondo para sa mga iskolar ng pamahalaan.
Nauna rito’y hiniling ni Northern Samar Rep. Paul Daza sa Commission on Audit (COA) at sa Malacañang na repasuhin at imbestigahan ang hindi paggasta ng CHED sa P10.3 bilyong pondo para sa free tuition at living allowances ng mga iskolar ng gobyerno sa ilalim ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act. (ZIA LUNA)
Larawan mula sa cpsc.ph