INAASAHANG unang ilalabas ng International Criminal Court (ICC) ang arrest warrant laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na buwan o sa Hulyo bilang pangunahing akusado sa crimes against humanity kaugnay sa ipinatupad niyang madugong drug war na kumitil sa buhay ng libu-libong Pinoy, ayon kay dating Sen. Antonio Trillanes IV.
Sa panayam sa “Storycon” sa One News kahapon, sinabi ni Trillanes na hindi siya isang “marites” o taong nagpapakalat ng tsimis hinggil sa usapin, bagkus, siya’y nakikipag-ugnayan sa ICC mula pa noong 2017 bilang pangunahing naghain komunikasyon sa international tribunal tungkol sa extrajudicial killings na nagaganap noon sa iwinawasiwas na drug war ng administrayong Duterte.
Batay aniya sa nakalap niyang impormasyon, ang pag-isyu ng ICC ng warrant ay “per batches,” kaya’t kasunod ni Duterte ay ang para naman kina Vice President Sara Duterte at iba pang pangunahing personalidad na sangkot sa drug war.
“So that’s how we established that relationship with ICC, but there’s a restriction on the release of information that can also be disclosed. The other information that I am releasing is not necessarily from the ICC itself but from people privy to what’s going on,” anang dating senador.
Bagama’t paulit-ulit ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi niya kinikilala ang awtoridad ng ICC sa Pilipinas, naniniwala si Trillanes na gagawin ng pangulo ang kailangang gawin sa tamang panahon.
“Let’s wait for the warrant of arrest to be out,” aniya. (ZIA LUNA)