Thu. Nov 21st, 2024
Iniharap sa isang press conference nina Gabriela re. Arlene Brosas at ACT Teachers partylist Rep. France Castro ang mga misis ng political detainees.

“HALOS umiiyak at nanginginig ang katawan habang pinatataas ang t-shirt at bra, pinahubad din ang pants at panty. Pina-squat ng 3 beses at pinatuwad kasabay pinabuka pati ari upang silipin kung may tinatagong illegal. Ang ganitong pinagawa/ginawa sa akin ni ma’am Serrano ay talagang masakit, nararamdaman ko sa mga oras na yun.”

Pahayag ito ni Gloria Almonte, 63-anyos, asawa ni Dionisio Almonte, political detainee na nakapiit sa New Bilibid Prison (NBP) Maximum Security Compound sa Muntinlupa City, kaugnay sa dinanas niyang body cavity search ng mula sa isang “Ma’am Serrano” mula sa  Inmate Visitation Service Unit (IVSU) noong 21 Abril 2024.

“Nagpakilala po ako na political prisoners ang dadalawin. Sinabi ko rin na wala akong dinadalang kontrabando at mahigpit na bawal sa katulad kong asawa o relatives ng political prisoners ang masangkot sa anumang kontrabando o illegal laluna sa na sa droga. Pero yun daw po ang order sa kanila mula sa taas nang nakaraan pang isang linggo. Frisking lang daw kapag magpapaabot kami ng supplies pero kung dadalaw ay kailangan i-body search,” bahagi ng salaysay ni Gloria sa Kapatid, isang support group ng mga pamilya ng political prisoners.

“Nagpahayag po ako ng pagtutol at nagsabi magko-complaint sa gagawin sa akin. Dahil nais kong makita at makausap ang asawa ko napilitan akong pumirma sa waiver ng body searching,” dagdag niya.

“Ang ganitong pinagawa/ginawa sa akin ni ma’am Serrano ay hindi ko matanggap, talagang masakit sa dibdib. At hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman sa mga oras na ‘yun. Nahihiya ako sa aking sarili at sa searcher (Ma’am Serrano). Pakiramdam ko tinapak-tapakan ang pagkatao ko, ang dignidad ko bilang tao na ito na lang ang meron ako,” sabi ni Gloria.

Ayon kay Fides Lim, ang kahiya-hiyang karanasan ng mga asawa ng mga bilanggong pulitikal ay kailangang imbestigahan para sa tahasang paglabag sa mga internasyonal at pambansang batas na namamahala sa pagtrato sa mga bilanggo at bisita at karahasan laban sa kababaihan gayundin para sa walang habas na panliligalig.

Kahit lumagda aniya sa waiver ang mga misis ng political detainees, isang paraan ng consent na nagpapahintulot sa “strip search,” ginagamit ito bilang instrumento ng pang-aabuso at ang body cavity search ay naging patakaran imbes maging exception para sa karamihan ng persons deprived of liberty  na paglabag sa United Nations Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners na ang ng mga mapanghimasok na paghahanap o intrusive searches ay dapat isagawa ‘only if absolutely necessary.’

Habang si Maricel, 43 taong gulang, misis ng isang pang political detainee, na nais lang makita at dalhan ng pagkain ang kanyang mister ay nakaranas din ng  hindi makataong trato mula kay “Ma’am Serrano ” sa loob ng isang cubicle sa searching area.

“I was instructed to remove my pants, t-shirt, bra and panty. I was made to squat ten times, completely naked. After each squat, I had to bend over with both hands on my buttocks, making sure my private parts were visible while the body searcher, Serrano, looked on,” ani Maricel.

Dahil sa labis na naramdamang kahihiyan, kailangan niyang ulitin ng sampung beses ang pamamaraan.

“The searcher said I wasn’t doing it right and to do it properly next time. It was really traumatic and shameful to experience such things. For now, I am still considering whether I can visit my husband despite our longing to see him as a family. It’s like I can’t face being stripped down and searched again by the BuCor body searchers.”

Si M.C., asawa ng isa pang political detainee, ay naranasan din ang body cavity search ng dalawang beses, noong Marso 31 at noong Abril 21.

Sa pangalawang pagkakataon ay nagpakilala siya sa searcher na asawa siya ng political prisoner ngunit binalewala ang kanyang sinabi.

“I was very upset. It’s not right to make you squat five times and also to be searched three times as if waiting for something to come out of my body. Only animals do that. I signed the waiver against my will, otherwise I won’t be able to see my husband,” sabi ni M.C.

Umaasa ang Kapatid na aaksyonan ng Commission on Human Rights ang mga nasabing insidente gaya ng ginawa nito noong Enero 2023 ng tugunan ang reklamo ng anak na babae ng isang political detainee na pinaghubad nang busisiin bago mabisita ang kanyang ama sa Metro Manila District Jail Annex 4 in Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Naglabas ng kalatas ang CHR kaugnay sa insidente na, “the application of the Bureau of Jail Management and Penology’s search guidelines should not be arbitrary and searches should not be targeted toward the relatives of political prisoners.”

Isusulong ng Makabayan bloc na imbestigahan ng Mababang Kapulungan ang mga hindi makataong insidente ng pandarahas kapag binubusisi ang dalaw ng mga bilanggo.

Binigyan diin ng Kapatid na hindi dapat maghiganti ang Bureau of Corrections atNew Bilibid Prison sa anomang paraan laban sa political prisoners at kanilang mga pamilya. (ROSE NOVENARIO)

 

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *