Naging mabunga ang pagsasagawa ng limang araw na pagsasanay sa pagsasalin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na nilahukan ng mga empleado at iba pang teknikal na kawani mula sa iba pang mga sangay sa loob ng ahensiya. Isinagawa ito noong 6-10 Mayo 2024 sa Bulwagang Norberto Romualdez. Nagbahagi rin ng sariling mga danas sa pagsasalin ang ilan sa mga opisyal ng KWF sa pangunguna ni Dr. Arthur P. Casanova, Tagapangulo.
Pangunahing tuon sa isinagawang pagsasanay ang pagsasalin ng mga dokumentong may direktang kinalaman sa mga gawain at ibang pang proyekto ng mga sangay ng KWF. Nagkaroon din ng ilang pagsasalin sa ilang pinakagamiting pormularyo at gabay na ginagamit ng pamahalaan.
Ang Palihang-Salin ng KWF ay isang espesyal na programa ng ahensiya sa pangunguna ng Sangay ng Salin na naglalayong pagbutihin pa ang pagpapalakas ng kakayahan (capacity building) ng mga empleado sa gawaing pampagsasalin at makatugon sa patuloy na pagbibigay ng de-kalidad na serbisyong pagsasalin sa pangkalahatang publiko.