📷Expose Philippines
WALANG bahid ng katotohanan ang ipinangalandakan ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na “simpleng tao” lang siya kung ang pagbabatayan ay ang mga ipinaskil niyang Outfit of the Day (OOTD) sa kanyang social media accounts.
Batay sa Expose Philippines Facebook page, ang isang OOTD ni Guo ay umaabot sa mahigit P12-M, isang Ralph Lauren dress sa halagang P8,900; Bulgari Serpenti Viper necklace na P11,9000,000 at Bulgari Serpenti Viper ring na P1,037000.
Habang ang isa pa niyang OOTD ay nagkahalaga ng P4,665,000, isang Cartier de Panthere ring na P1,683,000; Bulgari Serpenti Viper bracelet na P2,630,000 at Chanel Trendy fkap bag na P352,000.
Sa isang post ni Guo ay nakasuot siya ng blouse na Louis Vuitton na may presyong P200,000 at bag na Bulgari na nagkakahalaga ng P201,000.
Sa kanyang ikalawang pagharap sa Senate Committee on enate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ay “pinasakit” ni Guo ang ulo ni Sen. Risa Hontiveros sa mga dagdag na pagsisinungaling sa mga tugon niya sa mga tanong ng senadora hinggil sa kanyang pinagmulan.
Taliwas sa pahayag ni Guo na anak siya sa kasambahay ng ama niyang Chinese national, ibinuyangyang ni Hontiveros ang kopya ng marriage certificate ng mga magulang ng alkalde na dalawang beses pang nagpakasal.
Hindi rin pala solong anak si Guo, may dalawa pa siyang kapatid .
Maging ang isang Nancy Gamo na sangkot sa operasyon ng POGO ni Guo ay itinanggi noong una ng mayor ana kilala niya ngunit nang ilabas ang mga dokumento ng kaugnayan nilang dalawa, umamin rin ang akalde na kilala niya pala.
“At lahat ng kasinungalingan o paglilihim na ‘yan ay mahalaga dahil nasa gitna tayo ng sikreto at sistematikong sindikato- na siyang nanloloko sa mga Pilipino at naglalagay sa panganib ng ating mga institusyon at seguridad,” sabi ni Hontiveros.
“Babalatan” ng husto ang pagkatao ni Guo sa isang executive session dahil may ibabahagi ang mga awtoridad na nakalap na ebidensya na maaaring may kaugnayan sa national security at transnational organized crime.
“Friends, our law enforcement agencies have expressed the desire to share more comprehensive findings in executive session. Findings that involve national security and transnational organized crime. Ang susunod na hearing pili nalang ang tatawagin namin, at ito po ay hindi bukas sa media,” ani Hontiveros.
Habang si Sen. Loren Legarda ay nairita sa tila “robotic” na pagsagot ni Guo na lumaki siya sa farm nang tanungin hinggil sa kanyang childhood memories.
Tiniyak ni Legarda na uusisain pa niya ang alkalde sa susunod na pagdinig.
Ipinahiwatig naman ni Sen. Jinggoy Estrada na may karelasyong alkalde sa Pangasinan si Guo at ito ang namamahala ng kanyang POGO business. (ROSE NOVENARIO)