ISINUSUKA ng isang kaibigan na may kinalaman sa events management ang abogadong Kulang sa Pansin na konektado sa isa sa pinamalaking airline company sa Pilipinas.
“Linawin natin ang kuwento: sa tao siya asar, hindi sa kumpanya. At hindi lang siya ang bwisit dito kundi pati na rin ang ilan pang nasa negosyo ng events planning na nakaka-transaksyon din ng kompanya,” lahad ng La Chismosa sa Paliparan.
Sino ba naman daw ang hindi maiirita sa mga astahan ni Atty. KSP eh daig pa si Totoy Bibo kung magpasiklab sa kanyang mga amo.
Kahit hindi naman daw niya papel ang tumuntong sa entablado at magtalumpati, na trabaho naman ng kanyang mga bossing at mga VIP partners ng kompanya nila, sige ang arya niya sa mikropono na akala mo ay siya ang may pa-event.
“Tulad ng iba, invited lang naman si Atty. KSP kaya dapat nakaupo lang siya area ng audience at taga-palakpak sa mga bida sa programa,” anas ng Imbiyernang Chismosa .
Pero hindi raw makapapayag ang super hayok sa atensyon na abogado na maging miron lang siya sa programa, gagawin niya ang lahat para bumida.
Isang halimbawa raw ay nang minsang nagkaroon ng pakikipag-unawaan ang kompanya sa isang grupo sa Amerika para sa isang proyektong makakatulong sa mga Pinoy roon.
Naturalmente, ang dapat na bumida sa naturang pagkakataon ay ang pinuno ng grupo sa Amerika, ang pinuno o Pangulo ng airline company at ang ilang direktor ng kumpanyang nakatulong na maisakatuparan ang proyekto.
“Pinal na ang programa. Aprubado na ng lahat. Aba, akalain mo ba namang bigla itong pinabago ni Atty. KSP at buong ningning niyang isinama ang sarili sa mga magsasalita sa programa! Hindi na nahiyang ibahin ang programang matagal nang napagkasunduan at aprubado, magkaroon lamang siya ng pagkakataong “umepal” gigil na sabat ng isang miron.
Pero hindi lang pala iyan ang okasyong kinapalan niya talaga ang kanyang mukha dahil minsan na pinarangalan ng airline company ang kanilang mga pinaka-matatapat at pinaka-matatagal na pasaheo sa isang malaking hotel sa Pasay, aba’y isiningit na naman niya ang sarili sa mga magsasalita kahit wala naman siyang “K” para gawin ‘yun.
“Sa huli, syempre tagumpay na naman siya at malayang naisiksik ang makapal na pagmumukha sa stage kahit pa nagka-windang windang ang lahat para lang maidagdag siya sa programa. Sadyang tagapag-pagulo daw itong si Atty. KSP sa mga plano ng mga event planners natin,” bwisit na kuwento ng isang Dismayadong Chismosa.
CLUE:
Marami na rin nakakapansin sa nakayayamot na ugali ng Atty. KSP na itong PALaging umeepal.
Pero hindi lang iyan ang makaka-yamot sa inyo. Marami palang mababahong pinag-gagagawa itong si Attorney.
Abangan ang mga susunod pang pasabog!
‘Yun na!