Sat. Nov 23rd, 2024

INIHAYAG ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) noong August 16, 2021 na ang mga konsyumer, hindi lang mga pribadong kompanya, ang nawawalan bunsod daw ng extortion activities ng “communist terrorist groups” (CTGs) dahil bilyones na halaga ng protection money na ibinabayad umano ng mga kompanya ay binabawi sa mga konsyumer  bilang dagdag na gastusin, ayon sa artikulong inilathala ng state-owned Philippine News Agency (PNA).

Kaya itinambol ni noo’y National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director-General Alex Paul Monteagudo ang pangangailangan daw ng mga pribadong kompanya at mga indibidwal na makipagtulungan  sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para mapalakas ang kampanya laban umano sa “terrorist financing.”

Kung hindi raw sila makikipagtulungan sa NTF-ELCAC, mapipilitan ang NICA na ipatupad ang batas upang mapatigil ang pagsuporta sa “terrorist groups.”

Dinakip kamakalawa ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na kawani ng NICA na sangkot umano sa tangkang pangingikil ng P 2 milyon sa isang puganteng South Korean sa Pasay City.

Ayon sa SoKor national, nagpakilala umano ang NICA agents bilang mga kawani ng Bureau of Immigration at Office of the President at ipinaalam sa kaniya na mayroon siyang existing na kaso sa BI.

Binayaran na raw niya ang mga suspek ng P450,000 para hindi maisilbi ang umano’y arrest warrant laban sa kanya at para maayos ang kanyang mga kaso.

Pero tila hindi nakuntento ang mga ahente ng NICA sa 450K at gusto pang pasukahin ng P2-M ang kanilang biktima.

May video footage pa ng pag-aresto ng NBI agents sa mga taga-NICA na inilabas sa TV Patrol sa ABS-CBN, parang pelikula na dinamba at pinosasan ang “extortionists.”

Kung may katotohanan ang akusasyon na extortion laban sa dinakip na NICA agents, posibleng hindi ito isolated case.

Maaaring kalakaran na ito sa hanay ng mga tagapagpatupad ng batas kaya naglipana sa Pilipinas ang mga puganteng  dayuhan.

Ito rin ang sanhi kung bakit talamak ang mga krimen na kagagawan ng mga dayuhang kriminal.

Ibig sabihin, hindi lang umiiral ang failure of intelligence sa sektor ng mga tagapagpatupad ng batas, bigo rin sila sa aspeto ng counter intelligence dahil malinaw na walang maayos na sistema sa pagbabantay sa sarili nilang hanay.

Kung sinabi ng NICA dati na apektado ang mga konsyumer sa “extortion activities” daw ng komunistang grupo, hindi ba mas masahol ang epekto sa national security ng pangingikil ng mga ahente ng estado sa mga puganteng dayuhan para makapagtago pa sa Pilipinas?

Nagmumukhang tanga pala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paglalako sa Pilipinas bilang magandang investment destination sa pagpunta niya sa iba’t ibang bansa, kung ang sariling bakuran pala’y hitik sa mga bulok na bunga.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *