Sat. Nov 23rd, 2024

MARAMI ang humanga sa paninindigan ni Eliana Atienza, anak ng TV host at news anchor na si Kim Atienza, at paglahok niya sa anti-Israel protests sa University of Pennsylvania kamakailan.

Dahil sa kanyang adbokasiya, pinatalsik siya sa tinitirhang dormitoryo kaya tinawag ang sarli na “homeless” nang makapanayam ng ilang media outlet sa Amerika.

Tama naman si Eliana, nakatira siya sa dormitoryo bilang estudyante ng Upenn at pinaalis siya ng administrasyon bilang parusa  bunsod ng pagsali sa anti-war, anti-genocide encampment sa naturang unibersidad, kaya maikokonsidera siyang ‘homeless” ng mga sandaling iyon.

Sino ba naman ang hindi matitinag sa kalunus-lunos na kalagayan ng mga Palestino na walang habas na pinapaslang ng mga tropang Israeli na suportado ng gobyernong US?

Kaya naman umaalingawngaw sa mahigit 150 unibersidad sa buong Estados Unidos ang mga slogan tulad ng “Free, Free, Palestine”, “From the River to the Sea, Palestine Will be Free”, itinuturing na isa sa pinakamalaking mga protesta mula noong kilusang civil rights at anti-war noong dekada ’60 na karamiha’y pinamunuan ng mga estudyante sa mga unibersidad sa US.

Nag-umpisang lumaganap ang serye ng protesta sa buong US nang magtayo ng kampo sa mga damuhan ng Columbia University noong 17 Abril 2024, makaraan tumestigo sa US Congress ang pangulo ng unibersidad na si Minouche Shafik.

Kinuyog si Shafik ng Republican solons at inakusahan siya ng pangungunsinti sa ‘anti-Semitism’ sa kampus ng Columbia at walang ginagawa para kontrahin ang mga sumasalungat sa digmaan ng Israel sa Gaza.

Ang kanyang testimonya ay dumating apat na buwan pagkatapos ng isang katulad na palaban na pagdinig sa Kongreso na humantong sa pagbibitiw ng mga presidente ng Harvard at ng Unibersidad ng Pennsylvania.

Marahil ay natututo ng aral mula sa kanyang mga kasamahan, na sinubukang ipagtanggol ang freedom of speech sa kanilang mga kampus, tinuligsa ni Shafiq ang anti-Semitism, at sinabing “has no place on our campus.”

Ang tila pagkabahag ng buntot ni Shafik ang nagluwal ng mga kampo (encampment) o mga pansamantalang komunidad, na binubuo ng mga tolda at silungan at sumasakop sa isang partikular na lugar bilang isang anyo ng political protest sa mahigit 150 unibersidad sa US sa kasalukuyan.

Ito’y tulad ng mga tolda (tinatawag na shanties) na itinayo noong kilusan para sa divestment mula sa South Africa noong 1980s.

Sabi nga ni Saidan Haidi sa artikulong inilathala ng dawn.com, itinuro ng karanasan ng kilusang South African anti-apartheid na hindi dapat maliitin ang kapangyarihan ng sama-sama o kolektibong pagkilos.

Marami man ang naging salik sa pagwawakas ng apartheid ngunit hindi maikakaila na malaki ang ambag ng kilusan sa loob at labas ng South Africa at pandaigdigang cultural at state boycott.

Ang bawat maliit na pagkilos — kahit na sa mga may pribelehiyong kolehiyo sa US na libu-libong milya ang layo mula sa reyalidad ng South Africa — ay tumulong na lumikha ng mga kundisyon para sa panghuling pagbuwag sa apartheid.

Sa kalaunan, naging masyadong magastos sa perceptual terms para sa mga multinasyonal na kumpanya at estado (tulad ng US) na patuloy na magnegosyo nang normal sa rehimeng apartheid.

Para sa mga kabataang aktibistang estudyante na kasalukuyang nasasangkot sa mga pandaigdigang protesta laban sa genocidal at apartheid na rehimen ng Israel, mahalagang tandaan ito.

Hindi maiiwasang magkaroon ng mga pag-urong at maaaring hindi kaagad dumating ang pagbabago, ngunit sa kalaunan ay maaabot ang kritikal na masa.

Sa kabila ng mga panggigipit (mula sa mga makapangyarihang institusyon), sa kabila ng mga maling pintas sa kilusan (ng media at mga politiko), at sa kabila ng reaksyonaryong paglaban sa pagbabago (mula sa mga natatalo), ang tunay na kapangyarihan ng moral clarity ay nananatili sa pamamagitan ng mga pagtanggi na tanggapin ang genocide.

Huwag rin kalilimutan tandaan na si Nelson Mandela — at ang kanyang African National Congress — ay binansagan na isang ‘terorista’ sa pinakamahabang panahon ng mga kasabwat ng Western powers pero ngayon ay tumutukoy na sa kanya bilang isang santo.

“And that he never backed down from hitching the liberation of South Africa to the liberation of Palestine. Israel was a big supporter of the white apartheid regime,” sabi ni Saidan.

“Ironically, the thing that Zionists have always hated the most is a comparison between Israel and apartheid South Africa. With their brutality in Gaza and the rest of Palestine, they have now successfully ensured that no one can ignore this comparison without being on the wrong side of history.”

Kaya’t ang pagsusumikap ni Eliana at milyun-milyon pang tulad niya sa buong mundo ay hindi masasayang.

“From the River to the Sea, Palestine Will be Free!”

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *