TILA naglunsad ng kanyang “damage control operation” ang kampo ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos mabulatlat sa publiko ang umano’y pagkakasangkot niya sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na Hongsheng Gaming Technology, Incorporated na iniuugnay sa human trafficking at serious illegal detention.
Naglabas ng kanyang official statement si Guo at maging sa panayam ay inamin niya na ang kanyang ina ay kasambahay na naanakan ng kanyang amang Chinese national.
Paliwanag niya ito sa mga pagkuwestiyon sa kanyang malabong mga sagot hinggil sa kanyang pinagmulan ng dumalo siya sa pagdinig sa Senado noong nakaraang linggo.
Kung tutuusin, hindi na bago sa mga Pinoy ang naratibo ni Guo, maraming may kahalintulad sa kuwentong buhay ng alkalde kaya’t hindi tayo dapat magpa-ugoy sa tila teleseryeng pag-atake niya sa kontrobersyang kinasasangkutan.
Huwag natin kalimutan na kaya inimbitahan sa pagdinig sa Senado si Guo ay sanhi ng ibinulgar ni Sen. Sherwin Gatchalian noong Marso na batay sa mga nakalap niyang mga dokumento, gaya ng Sangguniang Bayan Resolution na may petsang Setyembre 2020, inaprubahan ng konseho ang application ni noo’y private citizen Guo para sa license to operate ng Hongsheng Gaming Technology, Incorporated.
Noong Pebrero 2023 ay ni-raid ng mga awtoridad ang Hongsheng na pinalitan sa pangalang Zun Yuan Technology, Inc. pero sinalakay rin noong 13 Marso 2024 ng Presidential Anti-Organized Crime Commission.
Batay sa beripikasyon sa Land Transportation Office (LTO) sa listahan ng mga kotseng nakita sa loob ng Zun Yuan Tech, isa rito ay Ford Expedition EL na may plate number CAT 6574, ay nakarehistro sa pangalan ni Guo.
Habang ang statement of account na inisyu kay Guo ng Tarlac II Electric Cooperative, Inc. (TARELCO II) ay natagpuan din sa compound ng Zuan Yuan.
Nabisto rin ni Sen. Risa Hontiveros na ang mga naging kasosyo ni Guo sa kanyang Baofu Land Development na sina Zhang Ruijin at Baoying Lin, ay parehong naaresto kaugnay sa tinaguriang “largest money laundering case” sa Singapore.
Ang mga nabanggit na “illegal activities” na iniuugnay sa kanya ang dapat sagutin ni Guo, lalo na’t may dokumentong hawak ang mga senador.
Sawa na sa teleserye ang mga Pinoy, sa totoong buhay tayo magtuon ng atensyon at panagutin ang mga maysala, espiya man siya o hindi ng anomang bansa.