📷KOJC founder Apollo Quiboloy
MISTULANG kasing dulas ni Palos si Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy nang muling makaligtas mula sa pag-aresto ng mga awtoridad na sumalakay sa kanyang kuta sa Barangay Buhangin sa Davao City kaninang madaling araw.
Wanted si Quiboloy sa mga kasong child abuse, sexual abuse at qualified trafficking cases sa mga hukuman sa Davao at Pasig.
Batay sa ulat, sa simula ay sinalubong ang mga awtoridad ng pag-alma ng mga miyembro ng KOJC sa gate na humihiling ng hustisya para sa kanilang lider.
Sinabi ni Police Regional Office 11 – Public Information Office chief Major Catherine Dela Rey na ang paghahain ng arrest warrants laban kay Quiboloy at iba pang kapwa akusado ay isinagawa dakong alas-4 ng umaga ngunit hindi sila natagpuan sa naturang lugar.
“PNP served three warrants of arrest against Quiboloy and five others issued by RTC of Davao for acts of child abuse, other sexual abuse and in-issue ng Pasig court anti-trafficking in person act of 2000,” anang PNP official.
“Supporters and followers of KJC were urged to remain calm and cooperate with the ongoing implementation of court processes,” ani Dela Rey, batay sa kalatas ng PRO 11.
“Authorities emphasize that this action is based on the lawful order of the court and due process to address these serious charges,” dagdag niya.
Matatandaan inilabas ng isang hukuman sa Davao Regional Trial Court noong Abril 3 ang arrest order laban kay Quiboloy at kanyang mga tagasunod na sina Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada, Sylvia Camanes at Jackiely Roy.
Akusado sila sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law, partikular sa probisyon hinggil sa “sexual abuse of minors and maltreatment.”
Habang noong Abril 11 ay inisyu ng isang Pasig City court ang arrest warrant laban kay Quiboloy para sa kasong qualified human trafficking, isang kasong non-bailable.
Isang most wanted person sa US Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy bunsod ng mga kasong human rights violations, child sex trafficking, fraud at iba pa.
May arrest order din laban sa kanya na inisyu ang Senate panel na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros sa hindi pagsipot sa mga pagdinig kaugnay sa illegal activities ng KOJC. (ROSE NOVENARIO)