Sat. Nov 23rd, 2024

First time sa history ng Star Awards for Movies na tatlong movie queens ang nagwagi sa Movie Actress of the Year – sina Superstar at National Artist Nora Aunor (Pieta), Diamond Star Maricel Soriano (In His Mother’s Eyes), at Star For All Seasons Vilma Santos (When I Met You In Tokyo) – kaya naman naging makasaysayan ang selebrasyon ng PMPC ng 40 taon o 4 na dekada ng naturang taunang pagbibigay ng parangal na ginanap nitong Linggo, July 21, sa Henry Lee Irwin Theater, Ateneo de Manila University, Quezon City.

Emosyonal ang naging pagsasama nina Nora at Maricel sa stage sa pagtanggap sa kanilang parangal. Anila, miss na miss nila ang isa’t isa kaya naman ganun na lang ang yakapan at tsikahan nila sa stage.

Binati rin nila ang co-winner nilang si Vilma, na hindi nakadalo dahil nagkasakit ito.

Panalo naman sa Movie Actor of the Year ang Kapuso Royalties na sina Dingdong Dantes (Rewind) at Alden Richards (Five Breakups And A Romance).

Itinanghal na Movie of the Year ang Mallari habang Movie Director of the Year naman ang direktor nito na si Derick Cabrido.

Nakuha naman ng Litrato ang Indie Movie of the Year at ang Indie Movie Director of the Year para kay Louie Ignacio.

Movie Supporting Actor of the Year si JC Santos para sa “Mallari” at si LA Santos para sa “In His Mother’s Eyes.” Si Gladys Reyes naman ang Movie Supporting Actress of the Year para sa “Here Comes The Grooom.”

Naging espesyal din ang naging selebrasyon ng PMPC ng ika-40 taon o apat na dekada ng Star Awards for Movies sa pagbibigay ng Dekada Awards sa apat na tinitingalang mga artista sa Philippine showbiz  – sina National Artist Nora Aunor, Christopher de Leon, Piolo Pascual, at Vilma Santos. Sina Nora at Christopher lang ang nakadalo para tanggapin ang kanilang awards. Ang grupong Anthology. PH naman ang nagbigay-pugay sa Dekada Awardees sa pamamagitan ng pag-awit ng inspirational songs.

Iginawad ang Lifetime Achievement Awards sa dalawang haligi ng Philippine showbiz na sina veteran actress Liza Lorena (Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award) at veteran movie producer Vic del Rosario Jr. (Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera Lifetime Achievement Award). Si Asia’s Songbird Regine Velasquez pa ang umawit sa pagbibigay ng tribute kay Boss Vic. Labis naman ang pasasalamat ni Liza na ang award na nakuha niya ay nakapangalan sa kanyang kaibigan na si Nora, na mismong nag-abot pa ng parangal sa kanya.

Pinarangalan naman ang mag-asawang sina Dingdong at Marian Rivera ng Takilya King & Queen dahil sa record-breaking success sa takilya ng pelikula nilang “Rewind.”

Binigyang-parangal ng Ethel Ramos Dean’s Lister Award ang veteran columnist at dating PMPC President na si Ronald Constantino dahil sa malaking ambag niya sa club at maging sa industriya. Ang kaibigan nito at dating Tempo entertainment editor na si Nestor Cuartero ang tumanggap ng parangal.

Kuminang naman nang husto si Alden dahil bukod sa pagkapanalo niya ng Movie Actor of the Year at sa pagiging host ng Gabi ng Parangal kasama sina Robi Domingo, Bianca Umali, at Aiko Melendez,  siya rin ang tumanggap ng parangal para sa kanila ni Julia Montes bilang Movie Loveteam of the Year. Idagdag pa riyan ang pagkapanalo niya ng special award bilang Male Shining Personality of the Night.

Well-applauded ang bonggang opening number ni Darren Espanto kasama ang Manoeuvres. Nagpamalas ng natatanging singing showdown sa finale number ang mga kampeon sa kantahan na sina Tawag ng Tanghalan Season 3 grand champion Laine Duran, The Voice Kids Season 1 grand champion na si Lyca Gairanod, Bida Next grand winner Carren Eistrup, at Pinoy Pop Superstar season 1 grand champion Jona.

Ang 40th Star Awards for Movies ay inorganisa ng mga opisyal at miyembro ng PMPC sa pangunguna ng Pangulo nito na si Rodel Ocampo Fernando. Katuwang ng PMPC ang Airtime Marketing ni Tess Celestino-Howard. Ang awards night ay idinirehe ni Eric Quizon.

Sa speech ng PMPC President na si Rodel, binigyang- diin niya na patuloy na magbibigay ng parangal sa kabila ng mga pagsubok na hinarap ng club lalo na noong panahon ng pandemya.

“Hindi kami titigil sa pagbibigay parangal sa inyo dahil kayo ang aming pundasyon. Matatag ang PMPC dahil sa suporta ninyong mga artista, prodyuser, direktor at lahat ng manlilikha at manggagawa ng Pelikulang  Pilipino. Kaya, sa ika-apat na Dekada  ng Star Awards For Movies, ipagpapatuloy namin ang tradisyon ng pagbibigay parangal upang makapagbigay pa ng inspirasyon sa ating industriya,” sabi ni Pangulong Rodel.

Ang kabuuan ng awards night ay ipalalabas sa A2Z sa July 27, Sabado,10:30 ng gabi.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *