Sat. Nov 23rd, 2024

📷 Yuri Moral Vargas

 

HINDI pinapasok ng mga guwardya ng kompanyang CDI sa gate ng Pangarap Village ang mga guro at estudyante na nagtuturo at nag-aaral sa Pangarap Elementary School at Pangarap High School sa Brgy. 181 sa Caloocan City kaya kanselado ang mga klase.

Ang CDI ay pagmamay-ari ng bayaw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na si Greggy Araneta, mister ni presidential sister Irene Marcos, na inaangkin ang lupain ng Pangarap Village.

“Bakit maging ang edukasyon masasagasaan dahil lamang sa pagiging ganid ng iilan? Ang edukasyon ay batayang karapatan ng kabataan, tungkulin ng kaguruan. Mariing kinokondena ng Bayan Muna Partylist ang CDI sa pangangamkam nito ng lupaing kinalalagyan ng Pangarap Village Elementary at High School sa Caloocan,” pahayag ng Bayan Muna partylist.

“Kailangang magsagawa ng agarang imbestigasyon ang Department of Education higgil sa insidente,” dagdag ng grupo.

Ayon sa Bayan Muna,” kahapon,ika-30 ng Hulyo, matapos ang matinding epekto ng Bagyong Carina sa mga residente ng Pangarap Village, Brgy. 181, Caloocan City at dalawang araw makalipas ang pagsisimula ng pasukan, hindi pinapasok ng mga gwardya ng CDI sa gate ng Pangarap Village ang mga guro at estudyante na nagtuturo at nag-aaral sa Pangarap Elementary School at Pangarap High School. “

Sinabi ng mga guro, nakapasok pa sila sa unang araw ng pasukan, ngunit kahapon ay pinigilan na sila ng mga gwardya na pumasok sa Pangarap Village dahil private property na diumano ito.

Dahil dito, napilitang ikansela na lamang ang pasok kahapon sa mga nasabing paaralan.

Paliwanag ng Bayan Muna, ang Pangarap Village ay lupang inaangkin ng CDI, kumpanyang pag-aari ni Greggy Araneta, kung saan may humigit-kumulang 40,000 residente ang nakaranas ng samu’t-saring panghaharass, pananakot, at demolisyon na deka-dekada na nangyayari’t patuloy na pinaglalabanan ng mga residente.

Kamakalawa lamang anila ay nasa Camarin Elementary School si Mayor Along Malapitan para magi-nspeksyon sa muling pagbubukas ng klase.

Ayon sa balita ay magiikot pa si Mayor sa iba’t ibang paaralan para mamahagi ng bags at school supplies mula sa, at tingnan ang kalagayan ng mga mag-aaral at mga pasilidad. “Hinahamon natin ang Lokal na Pamahalaan lalo na si Mayor Along Malapitan pati ang DepEd Tayo Caloocan City na gumawa ng aksyon hinggil sa bagay na ito,” giit ng Bayan Muna.

“Sa kabilang banda, kailangang pahigpitin ang pagkakaisa ng mamamayan ng Pangarap Village ang kanilang pagkakaisa upang ipaglaban ang kanilang karapatan.” (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *