Sat. Nov 23rd, 2024

Ang nakabubuhay na sahod ay likas at konstitusyunal na karapatan ng mga manggagawang Pilipino. Tayo ay nagtatrabaho upang mabuhay. Ang pagtamasa ng karapatang ito ay makatarungan, dapat walang pagtangi, at kasing halaga ng tubig at pagkain sa nauuhaw at nagugutom na tao.

Ito ang matagal nang panawagan ng mga manggagawa, sa publiko at pribadong sektor man, sa ating bansa. Pambansang minimum na sahod na kayang bumuhay ng pamilya ang ating kahingian at batay sa ating konserbatibong tantya ito ay P1,200/araw. Sa publikong sektor, ang nagkakaisang panawagan natin ay National Minimum Wage na P33,000/buwan.

Nitong Biyernes, ika-2 ng Agosto, 2024, inilabas ng Malakanyang ang Executive Order 64 na nagtatakda ng dagdag sahod sa mga kawani ng pamahalaan. ibibigay ito sa loob ng 4 na taon (2024-2027). Resulta ang kautusang ito ng pakikibaka at panawagan ng mga kawani at halos 2 taong pagaaral ng Department of Budget and Management (DBM), na hindi man lamang kinunsulta ang mga kawani ngunit pinaglaanan ng 48 milyong piso upang maisagawa.

Ayon sa EO 64, sa unang taon ng implementasyon ay P530/buwan lang ang dagdag sa Salary Grade 1 Step 1 na kawani. Kung hahatiin sa 22 working days ay P24/araw lang ang dagdag na ito na kulang pang pambili ng isang kilong bigas (P36-54/kilo na bigas)!

Kahit matapos pa ang 4th tranche ng EO 64 SSL na ito ay hindi pa rin aabot sa kalahati ang P15,208/buwan na sahod ng mababamg kawani sa P33,000/buwan.

Mas maliit pa rin kumpara sa mga kawani ng mga pambansang tanggapan ang dagdag sahod na tatanggapin ng mga kawani sa mababang antas ng klasipikasyon na pamahalaang lokal. Nakabatay pa rin sa kakayanang ibigay ng lokal na pamahalaan, limitasyon sa batas at porsyentong itinakda ng EO ang dagdag sahod nila.

Hindi rin kasama sa EO na ito ang mga Job Order at Contract of Service (JOCOS) at Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) workers na nakapailalim sa Compensation and Position Classification System (CPCS), gayundin ang mga military and uniformed personnel (MUP).

Hindi katanggap-tanggap, barat, hindi sapat, at hindi makatarungan ang dagdag sahod ng EO 64 ng administrasyong ito!

Nananawagan kami sa kapwa kawani na magkaisa at ipagpatuloy ang ating laban para sa mas makabuluhan, makatarungan at nakabubuhay na sahod para sa lahat ng manggagawang Pilipino!

National Minimum Wage P33,000/buwan, ipaglaban!

 

Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE)

Alliance of Concerned Teachers (ACT)

Alliance of Health Workers (AHW)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *