“KAYA po may ganitong istorya ay dahil may ganitong mga pangyayari. Walang mali sa paglaban, may mali kaya may lumalaban.”
Bahagi ito ng letter of appeal sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na ipinadala ni Jose Luis “JL” Burgos, director ng docu-film na Alipato at Muog, matapos itong bigyan ng X rating classification.
Ang Alipato at Muog ay halaw sa istorya nang paghahanap ng hustisya ng pamilya Burgos sa pagdukot at pagkawala ng kapatid ni JL na aktibistang si Jonas Burgos noong Abril 2007.
Matapos maging blockbuster ang Alipato at Muog sa Cinemalaya at humakot ng mga parangal, tila binuhusan ng malamig na tubig si JL nang matanggap ang balitang X rating ang ibinigay ng MTRCB sa kanyang pelikula, ang ibig sabihin ay hindi ito maaaring ipalabas sa commercial theaters sa buong bansa.
Iaapela ng pangkat ng Alipato at Muog ang desisyon ng MTRCB, susundin nila ang proseso at isusumite ang mga dokumento hinggil sa Jonas Burgos case kahit pa kapos ang kanilang budget.
“Hindi naman po siguro kayo babalikan ni General Año, hindi naman po siguro nya gagawin yon dahil lamang sa isang dokumentaryo,” ani JL sa kanyang letter of appeal sa MTRCB.
“Kaya kami ay nakikiusap, please open your hearts and be the voice of the voiceless. Please stand for what is right and what is just. Because when that happens we can truly say we live in a democratic country where there is no censorship and there is freedom to express one’s thought without fear or favor,” dagdag niya.
Para sa human rights group na Karapatan, ang X-rating na ibinigay ng MTRCB sa Alipato at Muog ay ang pinakahuling pagtatangka ng gobyerno ng Pilipinas na iwasan ang pananagutan ng estado sa pagdukot at pagkawala ni Jonas Burgos.
Sa isang naunang pahayag, tinuligsa ng tagapagsalita ng National Security Council na si Jonathan Malaya ang pelikula at sinabing ito ay isang pagtatangka na buhayin ang isang “lumang kaso.”
Ayon sa Karapatan, hindi ito ang unang pagkakataon ng pag-uusig na kinailangang tiisin ni JL dahil ang mga gumagawa ng pelikula, kabilang siya mismong kapatid, ay malupit na na-red-tag at kinaladkad sa tinatawag na Red October destabilization scheme na ginawa ng noo’y tagapagsalita ng NTF-ELCAC na si Antonio Parlade dahil sa isang dokumentaryo na ginawa niya tungkol sa pamamahayag ng oposisyon sa ilalim ng batas militar ni rehimeng Marcos Sr.
Anang human rights group, ang tinaguriang Red October plot ay isang pagsisikap ni Parlade at ng kanyang mga kauri na siraan sa isang iglap ang halos bawat tao na nagpahayag ng mga opinyon na salungat sa mga mapanupil na patakaran ng estado.
Giit ng Karapatan, si JL, sa katunayan, ay nakipagpulong kay United Nations Special Rapporteur for Freedom of Expression na si Irene Khan ngayong taon upang ikuwento ang kanyang pinagdaanan.
Malinaw anila sa kaso ng “Alipato at Muog,” ang mga nasa kapangyarihan ay muling desperado na pigilan ang panonood ng publiko ng isang pelikula na nagsasabi ng katotohanan tungkol sa krimen ng sapilitang pagkawala nang may ganoong kalalim, at higit pa sa pagdukot kay Jonas Burgos ngunit sa marami pang ibang aktibista.
Ang mga opisyal ng militar ay pinangalanan sa dokumentaryo, kabilang ang kasalukuyang National Security Adviser na si Eduardo Año, bilang kabilang sa mga mananagot sa pagkawala ni Jonas.
“This latest example of State censorship is a blatant affront to freedom of expression under the Marcos Jr. regime,” sabi ng Karapatan.
“KARAPATAN stands solidly behind film maker JL Burgos and the Burgos family in the fight to have the X-rating on “Alipato at Muog” lifted. It is in firm solidarity with all cultural workers in their struggle against all manner and form of censorship and violation of freedom of expression.” (ROSE NOVENARIO)