NANAWAGAN si Sen. JV Ejercito kay Vice President Sara Duterte na kausapin ng personal si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong” Marcos Jr. kung may hindi siya kursunada sa binuhay na peace talks ng administrasyon sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Ito ang reaksyon ni Ejercito matapos bansagan na “agreement with the devil” ang Oslo Joint Statement na nilagdaan ng administrasyong Marcos Jr at mga lider ng NDFP na nagsasaad ng komitment ng pamahalaan sa mapayapang resolusyon sa armadong tunggalian.
Ang dayalogo ng dalawang pinakamataas na lider ng bansa ang magpapatunay na mali ang mga ispekulasyon na tuluyan nang nabuwag ang kanilang alyansa.
“Better if VP talked to PBBM directly to quash speculations that, politically, they are headed to go in their separate ways,” ani Ejercito sa isang kalatas.
“I would like to reiterate my call for a ceasefire on political attacks by the different camps,” dagdag niya.
Giit ng senador, hindi ngayon ang tamang panahon para magbanggaan sina Marcos Jr. at Duterte dahil maraming problema at hamon ang kinakaharap ng bansa na dapat pagtuunan ng pansin.
“Too early. Too many problems that need attention, and we need to unite to be able to surmount these challenges.” (NINO ACLAN)