TATLONG tama ng bala sa tiyan ang tumapos sa buhay ng isang lady broadcaster sa Zamboangan City kagabi, ayon sa National Union of Journalists (NUJP).
Binaril ng tatlong beses ng mga salarin ang biktimang si Ma. Vilma Rodriguez habang nakaupo siya sa tindahan na ilang metro ang layo sa kanyang bahay.
Nakapaglakad pa si Rodruguez pauwi para masabi sa kanyang anak na babae na siya’y nabaril.
Dinala si Rodriguez sa Zamboanga City Medical Center at idineklara siyang wala ng buhay dakong alas-9:37 ng gabi sanhi ng tatlong tama ng bala sa kanyang tiyan.
Si Rodriguez,56, ay isang single mother na may apat na anak.
Naging radio anchor siya ng programang Barangay Affairs sa eMedia 105.9 News FM sa nakalipas na isang taon.
Sinabi ni radio station executive at kasamahan niya na si Rey Bayoging, ang programa ni Rodrigiuez ay hindi “hard-hitting,” at tumatalakay lang sa kaalaman ng biktima sa mga usapin sa barangay bilang isang barangay secretary at team leader.
Nabatid kay Bayoging na ayon sa isa sa mga anak ng biktima, nakaalitan ni Rodriguez ang ilang kaanak at ineskandalo siya kaya’t nakarating sa barangay ang isyu.
“Vilma informed her children that she received death threats, but she never informed us about this,” sabi ni Bayoging.
Si Rodriguez ang ikalawang babaeng mamamahayag na pinatay sa Zamboanga City , ang una ay si DXXX 1008 AM radio reporter Gloria Martin na pinaslang noong Disyembre 1992.
Kinondena ng NUJP Zamboanga City Chapter ang pag-atake kay Rodriguez at hinimok ang mga pulis na imbestigahang mabuti ang krimen.
“We don’t need a tale of another unsolved case that ended up as archives or statistics,” anang NUJP.
Napakabilis anila ang pagtanggi ng Zamboanga City Police Office na walang koneksyon sa kanyang trabaho bilang broadcaster ang pagtumba kay Rodriguez, at may ilang “persons of interest” na silang natukoy.
Si Rodriguez ang ikalimang journalist na pinaslang sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr.
Pinatay ang broadcaster na si Rey Blanco sa Negros Oriental noong Setyembre 2022, si Percival “Percy Lapid” Mabasa ay tinambangan noong Oktubre 2022 sa Las Pinas City, si Crecenciano Bunduquin ay pinaslang noong May 2023 sa Oriental Mindoro, at si Juan Jumalon sa Misamis Occidental noong Nobyembre 2023.
Tinukoy ang Pililipinas bilang ika-134 sa 180 mga bansa sa 2024 Press Freedom Index ng Reporters Without Borders bunsod ng kategoryang nasa ilalim ng “difficult conditions.”
Habang sa Global Impunity Index ng US-based Committee to Protect Journalists, ay itinuring ang Pilipinas bilang “eighth most dangerous country for journalists in the world.” (ROSE NOVENARIO)