Sat. Aug 8th, 2026

📷Sen. Cynthia Villar at Las Pinas Rep. Camille Villar-Genuino | manilatimes.net

 

Nang yumao si Mayor Nene Aguilar noong 2021, umugong agad sa buong lungsod ang balita na gustong “agawin” ng pamilya Villar sa pamilya Aguilar ang pamumuno sa lokal na pamahaalan ng Las Pinas.

Hindi nagtagumpay ang mga Villar nang mahalal si Mayor Imelda bilang alkalde at ang kanyang anak na si April bilang vice mayor noong 2022 elections.

Muling nagpahayag ng interes si Sen. Cynthia Villar na tumakbong mayor noong kalagitnaan ng taong 2024 at ang nag-iisang anak na babae na si Camille Genuino ay mananatiling representative ng lone district ng Las Pinas dahil may isa pa itong termino.

Pero ang kasalukuyang Vice Mayor April Aguilar-Neri ay naunang mag-anunsyo na kakandidato siyang mayor dahil patapos na ang termino ng kanyang nanay na si Mayor Imelda.

Biglang umatras sa laban sa pagka-alkalde itong si Sen. Villar ng malaman ng kampo nito na napakataas sa mga mga survey ang kanyang pamangkin na si Vice Mayor April.

Desididong tumakbong mayor itong si Vice Mayor April kaya’t napilitang kunin ni Sen. Cynthia ang isa pa niyang pamangkin na si Councilor Carlo Aguilar na pantapat sa bise-alkalde.

Si Carlo ay anak ng kuya ng senadora na si Christian Aguilar, na pang-lima sa mga anak ng alkalde ng Las Pinas noong dekada ’60 na si Filemon Aguilar Sr.

Walang paki

Tila walang pakialam ang senadora kung pareho niyang pamangkin ang maglalaban sa pagka-mayor sa May 2025 elections, at ang mahalaga sa kanya ay manalo ang mga kasamahan niya sa sarili nilang partido na Nacionalista Party.

Bilang pinakamayamang pamilya sa buong Pilipinas, hindi nakagugulat kung si Sen. Cynthia ang gumastos sa lahat ng pangangailangan ng kanilang grupo sa pangangampanya.

Dahil galing sa bulsa ng bilyonaryang 75-anyos na senadora ang pondo, natural na masusunod ang lahat ng kanyang iniiutos sa mga kandidato.

Sa nakalipas na mga araw, marami ang nakapansin na hindi na sumasama at umiiwas na kay Sen. Cynthia ang pamangkin na si Carlo.

Umiilag na umano si Carlo dahil nadadamay siya sa mga negatibong isyu na ipinupukol ng mga netizen sa senadora.

Umuugong sa kampo ni Carlo na nasisira raw ang diskarte sa pangangampanya niya dahil sa laging nakabuntot sa kanila ang isa pang tiyahin na si Bess Aguilar-Masangkay sa barangay sorties.

Sa kanyang mga talumpati sa mga barangay caucus, wala raw inatupag itong si Aguilar-Masangkay kundi siraan din ang kanyang sister-in-law na si Mayor Imelda at ang kanyang pamangkin na si Vice Mayor April.

Ganyan din umano ang naging estilo ni Aguilar-Masangkay noong tumakbo siya sa pagka-mayor sa Muntinlupa kaya dalawang beses siyang natalo kay Mayor Jaime Fresnedi.

Isa lang ang magwawagi sa halalan sa Mayo na sagupaan ng dalawang pamangkin ng senadora sa Las Pinas.

Tanong ng kanilang mga kababayan, dahil dalawa ang pamangkin ni Sen. Cynthia na magtutunggali sa pagka-mayor, magiging happy ba ang mga Villar sa resulta ng eleksyon?

Ayon sa local political analysts, hindi kaya masasaktan o kaya bang sikmurain ni Sen. Cynthia sakaling matalo rin ang kanyang sister-in-law na si Mayor Imelda sa manok niyang si Louie Bustamante para sa pagka-vice mayor?

Kapag nangyari raw ang hindi inaasahan,  sakaling masilat ni Carlo ang kanyang first counsin na si Vice Mayor April, ngayon pa lang ay may pangamba na ang mga residente na si Sen. Cynthia ang magiging mayor at hindi si Carlo. Ngayon pa lang ay nakikita ng mga tao na parang tau-tauhan lang ng mga Villar si Carlo.

Sa isang talumpati ni Sen. Cynthia, inihayag niya na limang department head ng Las Pinas City government na kontra sa kanilang grupo at kakampi ng mga Aguilar ay kanyang sisibakin kapag si Carlo ang naging mayor at siya naman ay nahalal na kongresista.

Sinabi ng mga observer, kapag nangyari ang nasabing senaryo paniguradong mga Villar at Masangkay ang maghari-harian sa city hall pagsapit ng Hulyo 2025.

Ngunit sa mga huling survey, nakalalamang pa rin ang Team Aguilar (Tatak Nene) o ang tambalang Neri-Aguilar laban sa grupo ni Carlo.  Sa ngayon, statistically tied naman sina Santos at Sen. Cynthia na may parehong 40 percent para sa pagka-congressman.

Batay sa opinyon ng ilang mga residente ng BF Resort Village kung bakit dikit ang labanan nina Santos at Sen. Cynthia sa pagka-kongresista, mayorya ng sagot ay bunsod ng matinding kampanya hindi lang sa Las Pinas kundi sa buong bansa ang patungkol sa isyu ng pagkagahaman ng mga political dynasty habang nalulunod sa problema ng mataas na presyo ng mga bilihin ang mga ordinaryong mamamayan.

Tanong pa nila, ang nakikita kaya nilang mga ikinikilos ni Sen. Cynthia  na “laging galit, bolera, mapang-api, walang paggalang sa kapwa tao, at asal-diktador,” ang tunay niyang karakter? (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *