Sat. Aug 8th, 2026

TAHASANG sinabi  ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na pagkatapos na ng ika-apat na  State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sisimulan ng impeachment court ang pagdinig sa reklamong inihain laban kay Vice President Sara Duterte.

Ang mga senador na hindi pa tapos ang termino kabilang na si Escudero at ang mahahalal na bagong 12 senador na ang uupo sa impeachment court bilang mga hurado.

Aminado si Escudero na hindi madali ang pagbuo ng rules na susundin at magiging batayan ng impechment court sa pagasasagawa ng paglilitis katulad ng pagpapalabas ng summons at pagsasagawa ng pre-trial briefing at iba pang prosesong sasaklaw sa paglilitis.

Sinabi ni Escudero matapos ang SONA ng Pangulo ay kinabukasan na pasisimulan sa impeachment court ang pagdinig.

Muling nanindigan si Escudero na hindi niya kailangang humiling sa Pangulo ng special session para lamang mapagbigyan ang gusto ng ilan na tumayo na ang Senado bilang impeachment court.

Magbabalik sa sesyon sa Hunyo 2 ang dalawang kapulungan ng Kongreso matapos ang break kaugnay ng darating na midterm elections sa Mayo.

Tiniyak ng Senate President na sa pagbabalik ng sesyon ay malaki na ang posibilidad na kanilang matalakay ang isinumiteng verified complaint ng mababang kapulungan ng kongreso laban kay Duterte.

Giit niya, ang tiyak na hindi mangyayari ay ang pagsisimula ng impeachment trial dahil sa kakulangan ng oras at panahon na matalakay ito sa sesyon lalo na’t anim na araw lamang ang kanilang magiging sesyon para sa panibagong recess ang pagbabalik na ang ika-apat na SONA ng Pangulo na may mga bagong nahalal na mga mambabatas at senador.

Sa pagitan ng session break ng Senado hanggang sa mag-SONA ang Pangulo ay magpapalabas naman ng summons sa mga akusado at prosecution at matapos ito ay magsasagawa ng pre-trial at pagsusumitihin ng mga nakahandang judicial affidavits. (NINO ACLAN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *