MALAYO sa kumakalam na sikmura ng masa ang palabas na pagbalasa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang gabinete, ayon sa Communist Party of the Philippines sa isang kalatas.
“Isang malaking palabas ang pagbalasa ni Marcos sa gabinete, pero hindi naman natutuwa ang masa,” ayon kay Marco Valbuena, Chief Information Officer ng CPP, kaugnay s autos ni Marcos Jr. na magsumite ng courtesy resignation ang lahat ng miyembro ng kanyang gabinete para umano’y gawing mas epektibo ang kanyang gobyerno.
“Malayo sa kumakalam na sikmura ng masa ang palabas ni Marcos,” dagdag ni Valbuena.
“Hindi mapagtatakpan ng hakbanging ito ni Marcos ang kaliwa’t kanang kapalpakan ng kanyang gobyerno na tugunan ang pinakamabatayang mga pangangailangan ng mamamayan,” ani Valbuena.
Matatandaan na inamin ni Marcos Jr. na ang mga kahinaan ng kanyang rehimen ay “sinalamin” ng pagkatalo ng marami sa kanyang mga kandidato sa katatapos lamang na eleksyon.
“Kahit kada buwan pang balasahin ni Marcos ang kanyang gabinete, hindi niya mapipigilan ang tuluy-tuloy na pagkahiwalay ng kanyang rehimen sa mamamayan,” giit ni Valbuena.
“Walang maaasahan ang masa na makabuluhang pagbabago, laluna sa kanilang kabuhayan,” aniya.
“Ni hindi pinalitan ni Marcos ang mga maka-imperyalistang teknokrata na bumubuo sa kanyang ‘economic team’ na silang salarin sa matataas na presyo ng bigas at mababang bilihan ng lokal na palay,” wika ni Valbuena.
“Ang ‘economic team’ ding ito ang pinakamalalakas kumontra laban sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, at tutol sa pamumuhunan sa lokal na agrikultura at industriya, habang nagkakandarapang bigyan ng insentiba at bentahe ang malalaking burgesya at dayuhang kumpanya,” dagdag niya.
“Hind mapagtatakpan ng agaw-atensyon pero mababaw na pagririgodon sa pinakatuktok ng burukrasya ang matinding krisis ibinunga ng sarili niyang mga patakaran.”
Tinukoy ng CPP na walang tunay na programa si Marcos para lutasin ang batayang mga problema ng mamamayan sa pagkain, trabaho, kabuhayan at karapatan.
Sa katunayan, anang Partido, tumatanggi itong itaas ang sahod ng mga manggagawa, itigil ang walang sagkang importasyon ng bigas at mga produktong pagkain, ibaba ang presyo ng mga produktong petrolyo at mga batayang bilihin, gayundin ang singil sa mga serbisyo at pampublikong yutilidad.
“Tulad ng mga gimik niyang ₱20/kilo na bigas para sa iilan, 4-araw na libreng sakay sa MRT/LRT at iba pang pasiklab para magpasikat sa mga sarbey, lalo lamang mahihiwalay ang rehimen dahil tiyak na masasagad ang panandalian at pakitang-taong mga solusyon na ito,” ayon kay Valbuena.
Dapat aniyang bantayan ng taumbayan ang ginagawang pagbalasa sa gabinete para sa mga aregluhang pampulitika ni Marcos na utos ng among imperyalistang US. (ROSE NOVENARIO)