Sat. Aug 8th, 2026

IBINASURA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga kondisyon ng kampo ng detenidong dating pangulong Rodrigo Duterte bago nila ikonsidera ang panawagang rekonsilasyon ng Punong Ehekutibo.

“No, no, no, no, no, no. No. That’s not how reconciliation works. You don’t put conditions to reconcile,” tugon ni Marcos Jr. sa press briefing sa Malaysia nang tanungin ang kanyang reaksyon sa hirit ng kampo ni Duterte na kailangan ibalik muna sa bansa ang dating pangulo bago sila makipagkasundo sa administrasyon.

Wala aniyang patutunguhan ang alok na rekonsialsyon kapag may kaakibat na mga kondisyon dahil maipakikita ang sinseridad sa pagresolba sa hindi pagkakaunawaan kung bukas ang magkabilang panig na pag-usapan ang problema.

“When you want – if you’re sincere, you want to reconcile, let’s sit in front of… Ano ba talaga ang problema? Paano nangyari ito? Tanggalin natin ang problema,” anang Pangulo.

“Pero ‘yung sasabihin mo, hindi ako makikipag-usap hanggang ibigay mo sa akin ito, ito, ito, ito, eh walang pupuntahan ‘yan. Tapos na, tapos na. That’s not reconciliation… Wala nang pupuntahan ‘yun. Tapos na ang usapan,” dagdag niya.

Matatandaan sa BBM Blog Episode 1 noong nakalipas na linggo unang inihayag ni Marcos Jr. ang kahandaan na makipagbati sa mga Duterte dahil ang kailangan niya ay mga kaibigan at kaalyado at hindi mga kaaway.

Ngunit para sa kampo ni Duterte kailangan gumawa ng hakbang si Marcos Jr. para maibalik sa bansa ang detenidong dating pangulo.

Ayon sa ilang legal experts, wala na sa kamay ni Marcos Jr. ang desisyon para pauwiin sa Pilipinas si Duterte at nasa kamay na ito ng International Criminal Court (ICC) kung saan akusado sa crimes against humanity of murder and dating pangulo kaugnay sa ipinatupad niyang madugong drug war. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *