POSIBLENG maharap na naman sa kontrobersya ang isang tanggapan sa Malakanyang dahil may nabisto raw na korapsyon.
“Meron daw lulutang na magrereklamo dahil sa katiwalian daw sa digital channel ng gobyerno na umano’y pinamamahalaan ng isang opisyal ng Bossing ng Bayan Mo,” entradang kuwento ng isang kasapi ng Las Chismosas-Manila chapter.
Dahil daw sa nabukong korapsyon ay isasalang sa “audit” ang naturang proyekto dahil sa laki ng gastos.
Bumili raw kamakailan ng walong MacBook, mga sasakyan na dapat sana for operations lang pero inuuwi ng mga opisyal at ginagamit sa provincial gala every weekend.
CLUE:
Ang laki raw nang pinagbago ng point man ng isang opisyal ng Palasyo mula hawakan ang misyon na ‘tutukan’ ang digital channel.
“Mula sa pagiging gusgusin ay mukha ng tao ngayon,” sabat ng laiterang miron.
“Kung sila-sila rin ang hahawak sa isa pang proyekto hinggil sa aksyon ng pangulo sa mga reklamo ng publiko, magiging dalawa na ang balon ng sasalukan nila ng pera ng bayan,” dagdag niya.
Bibigyan kaya ng mic ang whistleblower kapag ikinanta ang kanilang anomalya para marinig mula Kongreso hanggang pozo negro?
‘Yun na!