ILANG tulog na lang ay maluluklok na bilang ika-limang Presidential Communications Office secretary si Dave Gomez, dating mamamahayag na naging PR man ng Philip Morris.
Bubungad kay Gomez ang isyu ng pagnanais ng PCO, sa ilalim ni Jay Ruiz, na ipatanggal sa NET 25 ang kanilang Malacanang beat reporter na si Eden Santos dahil sa “breach of protocol” sa presidential event sa Tarlac kamakailan.
Halatang bagito sa Palasyo ang lumagda sa liham na ipinadala sa NET 25 na si Asst. Secretary for Media Relations na si Errel Cabatbat, dati ring reporter gaya nina Gomez at Ruiz.
Hindi inilagay ni Cabatbat kung anong klaseng protocol ba ang nilabag ni Santos at ni walang kalakip na incident report ang ipinadala niyang liham sa NET 25 na dapat ay pirmado ng mga nakatalagang tauhan sa nasabing event mula sa Media Accreditation and Relations Office (MARO), Presidential Management Staff (PMS), OP Protocol, at Presidential Security Command para suportahan ang kanyang akusasyon laban sa reporter.
May tatlong klaseng protocol kasi kaugnay sa presidential coverage: presidential, security at media.
Ang security o crowd control, PSC ang bahala.
Kapag media naman, national at local, ang MARO ang may responsibilidad.
Habang sa presidential, kapag ang host ng event, organisasyon, government agency o local government, kargo ito ng PMS at OP Protocol.
Alam kaya ni Cabatbat o kung sinoman ang nag-utos sa kanya na sumulat sa NET 25 na ang tawag sa ibinibintang nila kay Santos ay breach of presidential media coverage protocol?
Nasaksihan bang personal ni Cabatbat ang sinasabi niyang insidente?
Inusisa ba niya ang dalawang MARO na naka-assign sa event na sina JM Taylo at Cholo delos Reyes kung bakit tila hindi sila nahagilap mula umpisa hanggang wakas ng ambush interview kay Marcos Jr. gayong ang trabaho nila ay dapat nakadikit sa media habang nagaganap ang pakikipag-ugnayan ng Pangulo sa mga mamamahayag?
Nakita sa video ng event na sinalubong ni Santos ang Pangulo, na hindi naman siya iniwasan, at sumama pa nga sa kanya patungo sa media area.
Maayos naman ang naging daloy ng ambush interview ng reporters dahil hindi sinolo ni Santos ang Pangulo.
Iyan ang matagal ng problema sa Palasyo, ang mga bagong opisyal at empleyado, pati ang mga bagong nakatalagang taga-media, reporter, photographer at cameraman, ay hindi isinasailalim sa briefing tungkol sa mga presidential protocol kaya marami ang nagkakamali o kaya nama’y nganga sa trabaho.
Kapag pinag-initan naman ng mga opisyal ang reporter sa Palasyo, biglang may lulutang na violation daw na gagamiting tuntungan para paalisin o i-ban siya sa Malakanyang.
Nakakalungkot lamang na ang mga dati nilang kabaro pa ang mga nagiging instrumento sa panunupil sa malayang pamamahayag.
Para pigain ang impormasyon mula sa bibig ng mga opisyal ng estado upang maibalita sa publiko, kailangan ay buo ang loob at matibay ang dibdib ng mga taga-media na nakatalaga sa Palasyo.
Kaya ang pagkakaisa at paninindigan ng Malacanang Press Corps ay napakahalaga upang palagan ang mga dispalinghadong opisyal ng Palasyo at para protektahan ang kanilang hanay sa harap ng mga kaaway ng press freedom.