Fri. Feb 13th, 2026

Nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa tuluyang pagbasura sa higit 70 joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng PrimeWater Infrastructure Corp. at mga lokal na water district sa buong bansa, kasunod ng matinding ulat mula sa Local Water Utilities Administration (LWUA). Sa isang press briefing ng Water for the People Network, muling iginiit ng KMP na ang pamilya Villar ay nagpapayaman sa pribatisasyon ng tubig habang lalong napapabayaan ang serbisyong publiko sa daan-daang komunidad.

Ayon sa KMP, pinatutunayan ng rekomendasyon ng LWUA na buwagin ang mga JVA ang matagal nang daing ng mamamayan at mga kaso laban sa PrimeWater. Marami nang reklamo mula sa mga konsyumer at sektor sa kanayunan hinggil sa palpak na serbisyo nito.

“Matagal nang napatunayan ng mamamayan na kapag PrimeWater ang namamahala, tiyak na may problema sa serbisyo ng tubig,” wika ni Ronnie Manalo, Secretary General of KMP. “Karapatan ng lahat ang tubig at hindi negosyo. Pero ginawang negosyo at pinagkakitaan ng mga Villar ang batayang serbisyo habang pinahihirapan ang mamamayan.”

Ipinunto ng LWUA sa ulat nito sa Office of the President ang malawakang paglabag sa mga obligasyon sa serbisyo, kawalan ng transparency, at ang hindi pagtupad ng PrimeWater sa pangakong imprastruktura. Mula Bacolod hanggang Bulacan, ramdam ng mga konsyumer ang kakulangan sa tubig, mahinang pressure, maruming tubig, at walang paliwanag na taas-singil—lahat dulot ng monopolyo ng PrimeWater.

Sa hiwalay na ulat ng COA noong 2022, nakita kung paanong bumagsak ang kita ng mga water district nang hawakan ng PrimeWater. Sa Bacolod, mula Php623 milyon noong 2020 bumagsak ito sa Php48 milyon noong 2022, habang ang kita ng PrimeWater ay pumalo mula Php196 milyon noong 2017 hanggang Php1.8 bilyon noong 2023.

“Ito’y malinaw na pagnanakaw sa batayang serbisyo,” giit ni Manalo. “Habang natutuyuan ang gripo ng tao, dumadaloy naman ang bilyones sa bulsa ng mga Villar.”

Noong Abril, sinimulan na ng Pamahalaang Lungsod ng San Jose del Monte ang proseso ng kanselasyon ng JVA nito sa PrimeWater, dahil umano sa “di-katanggap-tanggap” na serbisyo. Si Gobernador Daniel Fernando ng Bulacan ay nagpatawag rin ng province-wide review ng mga kontrata sa PrimeWater kasunod ng mga reklamo mula sa Calumpit, Malolos, Marilao, at CSJDM.

Para kay KMP Chairperson Danilo Ramos, pinagtibay lamang ng ulat ng LWUA ang matagal nang sigaw ng mga magsasaka at maralitang konsyumer: “Saan man mag-operate ang PrimeWater, tiyak ang paghihirap. Ginawang milyong negosyo ng mga Villar ang tubig habang ang mamamayan ay nilulunod sa marumi, mahal, at di-maaasahang serbisyo.”

Dagdag pa ni Ramos, ang krisis sa tubig ay kaakibat ng malawakang land grabbing at komersiyalisasyon na may kaugnayan sa imperyo ng Villar. “Hindi lang tubig ang kinukuha nila—kinukuha nila ang lupa, ang komunidad, at ginagawang eksklusibong negosyo.”

Nanawagan ang KMP sa:

– Pambansang pagkansela ng mga JVA sa PrimeWater

– Muling pagbabalik sa kontrol ng LGU at komunidad sa serbisyong tubig

– Pagpapasa ng batas laban sa pribatisasyon, kabilang ang People’s Water Bill

– Buong pag-audit sa kontrata, kita ng PrimeWater, at pananagutin ang mga opisyal na nagbigay-daan dito

“Hindi lang PrimeWater ang dapat tanggihan, kundi ang buong dinastiyang Villar,” diin ni Manalo. “Ang laban sa pribatisasyon ng tubig ay laban din sa pagsasamantala ng iilan.” (ROSE NOVENARIO)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *