📷: Ka Cleo del Mundo, bagong tagapagsalita ng Melito Glor Command
Pormal na inianunsyo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southern Tagalog, Melito Glor Command, ang pagtatalaga kay Ka Cleo del Mundo bilang bagong tagapagsalita ng panrehiyong kumand, ayon sa underground online news site na Ang Bayan.
Isinagawa ang pahayag sa pakikipagtulungan ng Office of the Regional Spokesperson (ORSP) nitong Setyembre, kasabay ng panawagan para sa mas matatag na pakikibaka sa rehiyon.
Ayon sa ORSP-BHB-Southern Tagalog, ang pagkakahirang kay Ka Cleo bilang bagong Tagapagsalita ng hukbong bayan sa rehiyon ay higit na magtitiyak sa pagbibigay-tinig sa mamamayan ng Southern Tagalog para magpahayag ng totoo at tamang impormasyon.
“Tiniyak ng upisina na hindi palalampasin ni Ka Cleo ang anumang pekeng balita at disimpormasyon na ipinakakalat ng rehimeng Marcos at armadong pwersa nito.”
Ayon sa ulat, si Ka Cleo, dating tagapagsalita ng BHB-Quezon (Apolonio Mendoza Command), ay kilala sa kanyang matalas na pagsusuri at matatag na tindig sa mga isyung panlipunan. Siya ang ikalimang tagapagsalita ng kumand, kasunod nina Ka Roger, Ka Bart, Ka Diego, at Ka Armando Cienfuego.
Sa video message na ipinaskil sa Ang Bayan, nanawagan si Ka Cleo sa BHB na puspusang makibaka at biguin ang todo gera ng estado laban sa rebolusyonaryong kilusan.
Inilatag niya ang kalagayan ng bansa at ng rehiyon, laluna sa harap ng nalalantad na mga isyu ng katiwalian ng rehimeng Marcos, krisis sa ekonomya at pulitika, pinabagsik na pasismo at ang pinatinding panghihimasok ng US sa bansa.
“Bilang babae sa hanay ng hukbong bayan, tungkulin kong ipakita na ang kababaihan ay hindi lamang tagapagdala ng buhay kundi tagapagtanggol ng bayan,” aniya
Nagpahayag ng suporta si Ka Madaay Gasic ng BHB-Mindoro .
“Ang pagtatalaga kay Ka Cleo ay patunay na buhay at lumalakas ang rebolusyon sa Southern Tagalog. Kasama siya sa pagsulong ng digmang bayan sa gitna ng panunupil,” aniya.
Nagpaabot din ng pagbati ang Kabataang Makabayan-Quezon, kung saan unang naging kasapi si Ka Cleo
Si Ka Cleo ay bunga ng militanteng kabataan ng Quezon. Ipinagmamalaki naming siya ay naging bahagi ng aming hanay,” ayon sa KM-Quezon. (ROSE NOVENARIO)