Ibinunyag ni ACT Teachers Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio ang walang kapantay na lawak at pang-aabuso sa paggamit ng unprogrammed appropriations sa panahon ng deliberasyon sa badyet, at sinabi niyang personal na inaprobahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 3,700 proyektong pang-imprastruktura na nagkakahalaga ng ₱214.4 bilyon sa loob lamang ng dalawang taon.
Batay sa opisyal na datos mula sa Department of Budget and Management, isiniwalat ni Tinio na nakatanggap ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng ₱61.4 bilyon sa unprogrammed appropriations noong 2023 para sa 1,889 proyekto, at ₱153 bilyon noong 2024 para sa 1,811 proyekto—kabuuang 3,700 proyekto na may halagang ₱214.4 bilyon sa loob ng dalawang taon. Kabilang dito ang mga proyekto sa flood control, gayundin ang konstruksyon ng mga kalsada at multi-purpose building.
“Ganito po ang unprogrammed appropriations—parang may isa pang infrastructure budget na hiwalay. Sa panahon na lang ng budget execution, napupunuan ng halos 4,000 bagong proyekto,” ani Tinio sa deliberasyon sa Kamara.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang unprogrammed appropriations ay mga lump-sum na alokasyon na walang line item sa General Appropriations Act, kaya’t hindi ito nasusuri ng publiko. “Walang readily available na listahan ng mga laman. Hindi po transparent, wala pa tayong full transparency kaugnay kung saan nilaan ang napakalaking mga halaga,” aniya.
Tinukoy ni Tinio ang historikal na paglobo at pang-aabuso sa unprogrammed appropriations, na umabot sa hindi pa nangyayaring antas: ₱807 bilyon noong 2023, ₱731 bilyon noong 2024, at ₱363 bilyon na tinatayang ilalaan sa 2025. “Pambihira po ang naging paglaki ng unprogrammed appropriations. Walang kapantay actually kung bumalik pa tayo sa past 10 years or more,” obserbasyon niya.
Sa kanyang interpellation, binanggit din ni Tinio na ang pinakamalaking bahagi ng mga proyekto noong 2023 at 2024 ay inilaan sa Region III, Region IV-B, Region V, at Region VII—mga lugar na lumilitaw na hotspot ng mga kontrobersyal na proyekto sa flood control na may bahid ng korapsyon.
Binigyan diin ni Tinio na lahat ng proyektong ito ay nangangailangan ng go signal ng Pangulo alinsunod sa Administrative Code. Binasa niya ang Section 35, Chapter 5, Book 6 ng Executive Order No. 292: “Expenditures from lump sum appropriations… shall be made in accordance with a special budget to be approved by the President.”
Matapos unang igiit na ang pagpayag sa Special Budget Requests para ma-access ang Unprogrammed Appropriations ay kailangan lamang ng pag-apruba ng Kalihim ng DBM, napilitan si Rep. Romeo Momo Sr., sponsor ng DPWH sa plenaryo, na kilalanin na ang basbas ng Pangulo mismo ang kinakailangan.
“Ang nag-approve po ng lahat ng mga proyekto sa unprogrammed appropriations ay ang Presidente mismo. The approval is clearly with the President,” diin ni Tinio.
Tahasang sinasalungat ng rebelasyong ito ang pahayag ng Malacañang na walang papel ang Pangulo sa mga isyu ng korapsyon sa imprastruktura. “Ang sabi po ng Palasyo na wala pong role ang Presidente sa issue ng flood control: ‘Hindi siya involved sa corruption.’ However, ang malinaw po na na-establish natin—ang approval ng almost 4,000 additional infrastructure projects funded from unprogrammed appropriations ay lahat po yan, para mapondohan, kailangang aprubahan po ng Presidente.”
Binanggit din ni Tinio ang pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang kanyang opisina ay “walang kinalaman sa anumang paraan sa mga alokasyon ng badyet kaugnay ng DPWH.” “Malinaw na directly involved ang Executive Secretary sa approval ng bawat proyektong nasa Unprogrammed Appropriations yamang Presidente mismo ang kailangan mag-apruba nito.”
Ginawa ni Bersamin ang pahayag upang pabulaanan ang testimonya ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na nagsangkot sa Office of the Executive Secretary sa pagkuha ng mga proyekto sa flood control.
“Dapat nang itigil ni Pangulong Marcos Jr. ang paghuhugas-kamay at ipaliwanag sa publiko kung paano at bakit niya inaprubahan ang 3,700 proyektong pang-imprastruktura mula sa kanyang sariling presidential pork barrel, ang Unprogrammed Appropriations. Dito nagmula ang mga proyektong nasasangkot ngayon sa malaganap na pandarambong ng pondo ng taumbayan,” pagtatapos ni Tinio. (ROSE NOVENARIO)