Sun. Mar 15th, 2026

Pinabulaanan ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos ang pagkakabit ng mga tarpaulin o signage na naglalaman ng kanyang pangalan na kumalat sa iba’t ibang bahagi ng lungsod nitong mga nakaraang araw.

“Hanggang ngayon, hindi pa rin nila matanggap ang pagkatalo nila sa May midterm election. Bulok ang estilo—masyadong halata. Imbes na manira, mas mabuti siguro kung magtrabaho na lang sila para sa taong-bayan,” ani Santos.

Nitong weekend, biglang nagsulputan ang mga tarpaulin na may nakalagay na “ROAD CLOSED” at “FOR DEMOLITION—CONGRESSMAN MARK ANTHONY SANTOS.” Giit ng kongresista, hindi niya kailanman gagamitin ang kanyang mandato para magdulot ng takot o kalituhan sa kanyang mga kababayan.

Paliwanag pa niya, wala siyang mandato o kapangyarihan na ipasara ang isang pribado o pampublikong lugar nang walang pahintulot mula sa may-ari o kaya’y court order.

“Wala rin akong karapatang magpa-demolish ng negosyo, subdivision, o shopping mall—hindi tulad ng ilang mayayamang katunggali sa politika na, sa kabila ng laki ng kanilang negosyo, ay hindi pa rin nagbabayad ng business tax sa lungsod sa mga nakalipas na taon,” dagdag pa ng mambabatas.

Para kay Santos, malinaw na black propaganda ang paninira laban sa kanya matapos mabunyag sa pahayagan at social media ang pangalan ng isang contractor na kamag-anak ng isang mayamang pamilya, na sangkot umano sa bilyong pisong government projects na karamihan ay substandard.

Dagdag pa niya, “Sa halip na pag-aksayahan ng oras ang paninira, mas mabuti siguro kung paghandaan na lang nila ang mga kasong posibleng isampa laban sa kanila ng gobyerno dahil sa pagkakasangkot nila sa mga anomalya sa flood control projects ng lungsod nitong nakaraang tatlong taon.” (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *