Sun. Mar 15th, 2026

Ipinauubaya na ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” Lacson sa executive judge ng Manila Regional Trial Court ang pag-iimbestiga sa isyung peke ang notaryo sa sinumpaang salaysay ni Orly Guteza.

Inihayag ito ni Lacson matapos sabihin ni Sen. Rodante Marcoleta na ipatatawag ng komite si Atty. Petchie Rose Espera sa pagdinig makaraang itanggi na siya ang nag-notaryo sa affidavit ni Guteza.

Ayon kay Lacson, nasa kapangyarihan ng executive judge ng Manila RTC ang pagsisiyasat sa mga notaryo sa kanyang nasasakupan dahil ang address ng law office ni Espera ay Ermita, Manila.

Giit ng senador ang dapat patunayan ni Guteza ay kung talagang nagpunta siya sa law office ni Espera para magpa-notaryo lalo na’t tiniyak niya sa komite na nagtungo siya rito.

“Ang isyu rito, kung nagsinungaling ka (Guteza)  na nagpunta ka sa notaryo at napatunayan later on na hindi ka pala nagpunta , kung nagsinungaling ka sa aspeto na ‘yun sa isa, puwedeng paghinalaan ka na nagsinungaling ka sa lahat. ‘Yun ang isyu,” ani Lacson sa panayam sa programang Sapol ni Jarius Bondoc sa DWIZ.

“May transcript eh. Nakita ko yung pagtatanong ni Sen. Marcoleta. Tinanong siya, “Ikaw ba mismo ang nagpa-notaryo nito? Sumagot siya, opo,” dagdag niya.

Matatandaan sa kanyang pagharap sa Senado noong Huwebes ay isiniwalat ni Guteza, retired Philippine Marine Corps member, na bilang dating security consultant ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ay napasama siya sa paghahatid ng male-maletang pera sa bahay ni dating House Speaker Martin Romualdez at bahay ni Co.

Itinanggi ng dalawang dating kasamahan ni Guteza na sina Mark Bunagan at Allan Colesio, ang kanyang ibinunyag.

Habang sa panayam ng On the Spot program sa Bilyonaryo News Channel, inamin ni dating Anak Kalusugan Rep. Mike Defensor na isang common friend ang nagdala sa kanya kay Guteza at sinamahan niya ito kay Marcoleta.

Hindi pa aniya notaryado ang salaysay ni Guteza nang makaharap niya at ang dating sundalo ang nagpa-notaryo ng kanyang affidavit. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *