Sun. Sep 20th, 2026
| via Kilusang Mayo Uno Facebook page

Hindi sapat ang P85 umento sa sahod na itinakda ng Department of Labor and Employment sa minimum wage earners kumpara sa ilang ulit na pagtaas ng presyo ng langis, singil sa kuryente at iba pang gastusin, ayon sa Kilusang Mayo Uno.

“Napakaliit ng P85 na dagdag na sahod, hulugan pa at sa NCR lang. Lubhang hindi sapat sa kumpara sa ilang ulit na pagtaas ng presyo ng langis, singil sa kuryente at iba pang gastusin. Itataas lamang ng PHP85 dagdag-sahod ang minimum sa NCR mula PHP695 tungong PHP780 – malayo sa PHP1305 na halagang nakabubuhay,” sabi ni Mary Ann Castillo , KMU secretary general.

Maliban aniya sa “tingi-tingi itong ibibigay sa mga manggagawa” ay sa metro Manila lamang ang saklaw habang habang milyun-milyong manggagawa sa buong bansa ang apektado ng krisis na “hindi tinutugunan ng gobyerno.”

Binigyan diin ni Castillo na hindi kusang loob na ibinigay ang wage hike ng DOLE kundi bunga aniya ng “malakas na pagkilos ng manggagawa at mamamayang Pilipino.”

Hinimok niya ang mga kapwa Obrero na ipagpatuloy at palakasin pa ang pakikibaka hanggang makamtan ang makatwiran at nakabubuhay na sahod.

“Tuloy ang laban hanggang makamtan ng lahat ng manggagawa, anumang industriya, regular man o kontraktwal, sa pribado man o publiko ang nakabubuhay na sahod – PHP1200 nationwide!” aniya. # (RRN)

By admin