Sun. Sep 20th, 2026

Kinompirma ng Office of the Ombudsman nitong Martes na tinanggap nito ang alok ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na maging state witness sa mga kasong may kaugnayan sa flood-control projects, dahil sa kakayahan niyang magpatotoo laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, isang “mahirap na desisyon” ang hakbang ngunit kinakailangan upang palakasin ang kasong plunder na aniya’y maaaring “magbago ng kasaysayan ng bansa.”

Binanggit ni Clavano na ang pamunuan ng Kamara noong panahong iyon ay nakialam  umanosa badyet ng DPWH sa ilalim ni Bonoan, na nag-uugnay kay Romualdez sa tinatayang ₱56-bilyong kickback scheme.

Binigyang-diin ni Clavano na ang ganitong kalaking korupsiyon ay kadalasang walang dokumentong ebidensya, kaya’t mahalaga ang direktang testimonya ni Bonoan.

Isinasaalang-alang rin ng anti-graft body ang edad at malubhang karamdaman ni Bonoan sa pag-apruba ng mosyon na i-discharge siya mula sa hiwalay na kasong plunder sa Sandiganbayan.

Nanatiling may kaso si Bonoan sa ₱573-milyong plunder case na kinasasangkutan ni Sen. Jinggoy Estrada, ngunit pinayagan siyang manatili sa hospital arrest dahil sa iba’t ibang karamdaman.

Giit ni Clavano, mas pinili ng Ombudsman na unahin ang mas malaking kaso, na tinawag niyang “isa sa pinakamalaking pandarambong sa ating pambansang badyet.” # (RRN)

By admin