Agad na naglabas ng Show Cause Order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari at driver ng isang pampasaherong jeepney matapos ang insidente na nahulog ang isang pasahero dahil sa agresibong pagmamaneho.
Batay sa viral video na nakarating sa LTO, makikitang nagsagawa ng matinding swerving ang jeepney habang bumibiyahe sa pampublikong kalsada, dahilan upang mahulog ang isang pasahero at magtamo ng pinsala. Lumalabas sa paunang imbestigasyon na hindi huminto ang driver upang tulungan ang biktima.
Inatasan ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang driver at operator na humarap sa Intelligence and Investigation Division upang magsumite ng sinumpaang salaysay.
Mahaharap ang operator sa kasong Employing Reckless, Insolent, Discourteous or Arrogant Drivers, habang ang driver ay kinakailangang magpaliwanag sa mga paglabag gaya ng Reckless Driving at Duty of Driver in Case of Accident.
Ipinag-utos din ang agarang pagsuko ng lisensya ng driver na isinailalim sa 90-araw na preventive suspension.
Isinailalim sa alarm ang jeepney upang matiyak na hindi ito mailipat o maisailalim sa anumang transaksyon habang dinidinig ang kaso.
Binigyang-diin ni Lacanilao na ang mga driver ng pampublikong sasakyan ay may malaking responsibilidad sa kaligtasan ng mga pasahero.
“Kapag ang isang driver ay nagdulot ng panganib at nabigong gampanan ang kanyang tungkulin matapos ang insidente, kinakailangan itong agad na mapanagot,” aniya. # (RRN)