Tue. Sep 1st, 2026

Nanindigan si Kabataan party-list Rep. Renee Co na hindi nakakalimutan ng mga kabataan ang lagim na idinulot ng batas militar na ipinatupad ng diktador na si Pangulong Ferdinand E.Marcos Sr.sa bayan ,pati ang bilyon-bilyong pisong ninakaw ng kanyang pamilya mula noon hanggang ngayon.

“Walang pagmamaliit at pagmamata sa hindi pagkalimot para sa lagim ng batas militar, mga biktima nito tulad ni Liliosa Hilao ng PLM, at sa bilyon-bilyong ninakaw ng mga Marcos noon at ngayon,” ani Co.

Inihayag ito ni Co kasunod ng pagbatikos sa kanya ni Palace Press Officer sa kanyang pag-alma sa paggawad ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ng  honorary Doctor of Laws degree kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Castro,  “hindi lahat ng abogado na congressman o congresswoman ay masasabi nating honorable o may sense sa mga pananalita. Ang mga paninira, pagmamata, at pagmamaliit na ginawa nitong si Cong. Renee Co ay pagpapakita lamang kung ano ang natutunan niya at hanggang saan siya dinala ng kanyang natutunan.”

Giit ni Co, sa nalalapit na anibersaryo ng Marcos Sr. martial law  sa Setyembre 21 ay ipinakikita ng kabataan ang kanilang natutunan hinggil sa kasaysayan at kasalukuyan.

Hindi aniya nababaon sa limot o huwad na kinang ang mga dumanak na dugo sa isa sa madilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa.

“Ngayong papalapit ang Setyembre 21, pinapakita namin kung ano ang natutunan ng kabataan tungkol sa kasaysayan at kasalukuyan — at ang paninindigan na hindi mabaon sa limot o huwad na kinang ang dugong dinanak,” wika ni Co.

Hindi lamang si Co ang pumalag sa karangalang natanggap ni Marcos Jr kundi maging ang PLM Supreme Student Council, kasama ang 33 iba pang local student councils at organizations, ay binatikos ang resolution ng board of regents (BOR) dahil hindi sila kinonsulta.

Nagbabala sila na ang pagkilala ay maaaring ituring bilang endorsement sa isang administrasyon na may mga isyu sa good governance.

Tinukoy rin nila ang alaala ni Hilao, isang PLM student journalist na napaulat na kauna-unahang student activist na namatay habang nakapiit sa panahon ng batas militar ng diktadurang Marcos Sr.# (RRN)

By admin