Thu. Nov 5th, 2026

📷: Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

 

Ginisa ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa pagdinig ng badyet ng Department of Agriculture (DA tungkol sa isang panukalang farm-to-market road project sa Benguet na nagkakahalaga ng ₱500 milyon sa ilalim ng 2027 proposed national budget.

May higit sa ₱100 milyon din aniya na halaga para sa tatlo pang proyekto sa nasabing probinsya.

“Ang karamihan ay mula ₱15 hanggang ₱30 milyon pababa ang gastos… May nakita kami na bumubukol na ilang mga proyekto na mas mataas sa ₱30 milyon — mayroong umaabot hanggang ₱100 milyon. Mayroon pang hanggang ₱500 milyon. Isang proyekto na P500 milyon para sa farm-to-market road”, ani Tinio.

Ayon kay Tinio, P1 bilyon mula sa P1.5 bilyong panukalang badyet ng DA para sa mga farm-to-market road sa buong Cordillera Administrative Region ay nakalaan lamang para sa mga proyekto sa Benguet.

“Nagkataon na nasa isang probinsya — hindi lang ‘yung isang proyektong ₱500 milyon… Mayroong tatlo, dalawang ₱100 milyon, at isang ₱150 milyon para sa mga farm-to-market road. Iyan ay sa probinsya ng Benguet. Sa buong rehiyon ng CAR, ₱1.5 bilyon ang badyet para sa FMR (farm-to-market road). P1 bilyon nito ay napunta sa iisang probinsya,” giit ni Tinio.#

By admin