Imbes bigyan diin na dapat ipatupad ng mahigpit ang mga alituntunin at batas para hindi makapagnakaw o hindi mawaldas ang pera ng bayan, tila si Senator-judge Alan Peter Cayetano pa umano ang gumagawa ng dahilan para makalusot si Vice President Sara Duterte sa mga kasong kinakaharap sa impeachment trial, ayon kay dating Integrated Bar of the Philippines president Domingo Cayosa.
“Eh ito mukhang siya pa ang gumagawa ng palusot. Siya pa amg trying to justify o kaya pahirapan pa, o kaya kukuwenstiyunin pa yung mga probisyon ng mga batas, mga COA rules and regulations,” sabi ni Cayosa sa Facts First with Christian Esguerra podcast hinggil sa dalawang araw na pagkuwestiyon ni Cayetano kay private prosecutor Atty. Reynaldo Robles hinggil sa joint circular ng Commission on Audit (COA) hinggil sa confidential funds.
Pinuri ni Cayosa si Robles sa paninindigan na hindi teorya ang pinalalabas ng prosecution panel hinggil sa kuwestiyonableng paggasta ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa confidential funds kundi batay ito sa batas.
“At maganda rin na diretsahang binasahan siya ni Atty. Robles ng batas sapagkat hindi lang iyan teorya, nakasulat sa batas na bawal ‘yun, hindi tama,” lahad ni Cayosa.
“Paulit-ulit na idinidiin niya na tinetesting nya eh as a senator-judge, abogado rin naman siya, maliwanag naman eh. Akala niya siguro matitinag o matataranta yung isang prosecution counsel, si Atty. Robles,” dagdag niya.
“Tama lang na binasahan siya ng circular. Hindi lang ito teorya ng prosecution, malinaw sa batas na bawal iyon at iba pa.”
Si Cayetano aniya ang tila gumagawa ng alternatibong teorya upang ilihis ang katotohanan na may irregularidad nang ipasa ng special disbursing office nang bultuhan ang daan -daang milyong pisong confidential funds sa isang security officer na hindi accountable o bonded officer ng ahensya.
“Mukhang absent siya (Cayetano) o hindi siya nakikinig o ayaw niyang pakinggan . Kung nakinig siya sa COA , ang linaw ng sinabi ng COA na nung narinig nila na inamin ng mga tauhan ng vice president, ng special disbursing officer, yung bultuhang daan-daang milyones na ibinigay sa iisang tao, sa security officer, kaagad na dinis-allow na nila kasi irregular na yan,” giit ni Cayosa.
“Yun ang malinaw na tinestify ng COA at ang nagde-determine kung tama o mali ng paggamit, pag-disburse o pag-liquidate ng pera ng gobyerno, public funds ay COA. Sila ang eksperto dyan,” paliwanag pa niya.
Mukhang nakalimutan aniya ni Cayetano ang malinaw na sinabi ng COA.
“Mukhang gumagawa siya ng sariing theory na puwede ‘yun. That’s very unfortunate kasi nakiita ang attempt to ilihis at gagawa ng alternative theory na baka maaaring ilusot o i-justify o maipaliwanag yung controversial na pagkakamali o irregularity na ito by changing the narrative or the theory of the law,” sabi ni Cayosa.
Kompara aniya sa pagtatanong ng ibang senator-judges na nakatutulong sa pagpapaliwanag sa isyu, masyadong halata aniya na ang puntirya ni Cayetano ay palusutin si VP Sara.
“Masyadong halata. Of course we want to give the benefit of the doubt pero compared to the other senators admittedly marami rin silang nai-contribute sa pagpapalwianag, yung sa kanya medyo obvious na paglulusot yung kanyang pinupuntirya,” ani Cayosa. # (RRN)